"Utang na loob," partikular na sa COVID-19 vaccines, ang isa sa mga dahilan ni Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit hindi niya magawa na maging mas matapang kontra China sa isyu sa West Philippine Sea, aniya sa talumpati noong Miyerkoles.
"I'm stating it for the record, we do not want war with China. China is a good friend. Mayroon tayong utang na loob na marami, pati 'yong bakuna natin. So China, let it be known, is a good friend, and we do not want a trouble with them, especially a war," ani Duterte.
Halos 80 diplomatic protests na ang naihain ng bansa kontra China mula sa buong Duterte administration, ayon sa Department of Foreign Affairs.
Sabi ng Pangulo, hihintayin na lang niya ang magiging tugon ng China sa protesta, pero aminado siyang hindi niya masisi ang China sa ginagawa nito dahil umano sa ginawa ng nakaraang administrasyon.
Nagdududa rin aniya ang Pangulo sa sinseridad ng Amerika sa pagsabing sumusuporta ito sa laban ng Pilipinas sa isyu sa West Philippine Sea.
"In so many instances, puro salita lang, that they will stand by you. That could have been the moment to show to the world that they were with us by sending their superior ships, bakit hindi nila ginawa?" ani Duterte.
Samantala, hindi naman ikinagulat ni maritime law expert Jay Batongbacal na tumatangging makipaggiyera ang Pangulo sa China dahil sa tinatanaw na "utang na loob."
Pero giit ni Batongbacal, hindi dapat rason ang utang na loob para basta na lang payagan ng Pangulo na angkinin ng China ang teritoryo ng Pilipinas.
"Hindi rason 'yung pagiging magkaibigan para payagan mo na basta na lang kukunin 'nung kabila 'yung karapatan mo at mga likas-yaman mo. So hindi tayo dapat matakot din na maging matapang, maging firm tayo, manindingan tayo sa ating karapatan. Nasa diskarte naman 'yan kung paano mo ipapahiwatig ang iyong posisyon at papaano mo paninindigan ang iyong karapatan," giit ni Batongbacal.
Sinabi naman ni retired Supreme Court Associate Justice Antonio Caprio na ang kailangan ng taumbayan ay isang pangulo na hindi magkokompromiso pagdating sa paglaban sa soberaniya ng bansa.
"Filipinos deserve, and should demand, a president who loves Filipinos first and foremost and who will uncompromisingly defend Philippine sovereignty and sovereign rights in the West Philippine Sea," ani Carpio.
Giit naman ni Sen. Risa Hontiveros, ang China pa nga ang may utang sa Pilipinas dahil aniya sa bilyon-bilyon halaga ng likas na yaman na nasisira dahil sa kanilang mga aktibidad sa karagatan ng bansa.
—Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News
https://news.abs-cbn.com/news/04/29/21/utang-na-loob-di-rason-palampasin-ginagawa-china
No comments:
Post a Comment