Wednesday, September 14, 2016

Ang Bagong Umaga Setyembre 14, 2016 – MIYERKULES Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal

Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal
Purihin ang Diyos sa araw na ito ng Miyerkules, Ikalabing-apat ng Setyembre, kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal.  Pasalamatan natin ang Siya sa pagdiriwang ng Krus na banal at hilingin natin sa Kanya ang biyayang lumalim pa ang ating pananampalataya nang bukas-loob nating yakapin ang pang-araw-araw na krus bilang pakikiisa sa dinanas ng Panginoong Jesus para sa ating kaligtasan. Atin nang pagnilayan ang Mabuting Balita sa araw na ito mula kay San Juan kabanata tatlo, talata labing-tatlo hanggang labimpito.

Jn 3:13-17

Sinabi ni Jesus kay Nicodemo:  Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit – ang Anak ng Tao. Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya. Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniwala sa kanya; magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya.”

REFLECTION

Mga kapatid, para sa mga Judio, simbolo ang krus ng parusa para sa mga taong may mabigat na pagkakasala.  Para sa kanila, simbolo rin ito ng kahihiyan at pagkatalo.  Pero sa ating mga Kristiyano, kabaligtaran naman ang ating pagkakilala sa krus na pinasan at buong pag-ibig na niyakap ni Kristo.  Sa halip na tingnan natin ito bilang isang tanda ng kaparusahan, kinikilala natin ito bilang isang natatanging simbolo ng pagpapala sa atin ng Diyos.  Hindi nga ba’t sinisimulan natin at tinatapos ang panalangin sa pamamagitan ng Tanda ng Krus?  Ang pagbibigay ng pagpapala o paggawad ng blessing isinasagawa ng pari sa pamamagitan din ng Tanda ng Krus.  Kung sa Matandang Tipan nagkasala ang tao dahil sa ahas sa isang punong-kahoy, sa Bagong Tipan naman, tinamo ng tao ang kaligtasan dahil kay Kristo na ipinako sa kahoy na krus.  Sa kahoy na krus tinanggap ng tao ang pinakadakilang pagpapala mula sa Diyos.  Mga kapatid, sa inyong obserbasyon paano pinahahalagahan ng kasalukuyang henerasyon ang Banal na Krus ng ating Panginoon? Napapansin mo pa ba silang magtanda ng krus bago kumain kapag kaharap ang barkada o kaya’y kapag kumakain sa pampublikong kainan?  Minsan, hindi na. Dahil di na daw uso at kakantiyawan sila ng barkada.  Minsan din, ang krus ginagawa na ring palamuti tulad ng hikaw, pulseras at kuwintas – ng ilang nagpapauso nito.  Buti na lang sana kung sa paggamit nito nandid’yan pa rin ang pagpupugay at pag-alaala sa malalim na kahulugan ng Krus, na ito’y tanda ng dakilang pagmamahal ng Diyos sa atin.  Manalangin tayo.  Ama, bilang pagsunod Sa’yong kalooban, tinanggap ng Iyong Anak ang kamatayan sa krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan.  Kinikilala naming ang misteryo ng krus sa daigdig.  Matanggap nawa namin ang biyaya ng kaligtasan sa langit. Amen.