Thursday, April 29, 2021

'Buy 1, donate 1' na bakuna kontra COVID-19, mungkahi ng PH Red Cross

Hinahanapan na ng paraan ng Philippine Red Cross (PRC) kung papaano makakakuha ng mas maraming suplay ng COVID-19 vaccine para sa mga Pilipino.


Ayon sa chairman nito na si Sen. Richard Gordon, pursigido ang Red Cross na makakuha ng suplay ng bakuna hindi lamang para sa mga may pambili nito kundi pati na rin para sa mga mahihirap sa pamamagitan ng kanilang "buy 1, donate 1" na programa. 


Ito ay sa gitna ng sinasabing kakulangan sa suplay ng bakuna sa maraming mga bansa hindi lamang sa Pilipinas dahil sa iba't-ibang isyu gaya ng logistics at availability nito.


“Hindi kami nagva-vaccinate ng AstraZeneca, Nag-order kami pero hindi pa dumadating. Kausap ko 'yung British Embassy kahapon, we have a special order 1 million, babayaran namin 'yon," paliwanag ni Gordon. 


"So ‘pag ganon na ang labanan syempre ang laro ko d'yan you buy one for yourself and you buy for somebody who is poor," dagdag niya. 


Ayon pa sa PRC, bukas ang kanilang buy 1, donate 1 campaign hindi lamang sa mga taga-Metro Manila dahil target nito ang 100 vaccination centers na accredited ng Department of Health (DOH) sa buong bansa. 


Nilinaw din ng PRC na hindi garantiya ang bakuha para sa mga nakapagparehistro lamang dahil kailangan ng bayad para dito. 


"So 'yung 1 million na 'yun magiging 500,00, 'yung Moderna ganon din, we bought 200,000 so 100, 000 will go to the people who will buy for themselves and other 100,000 will be paid by them," dagdag ng senador. 


Sa mga bibili raw ng bakuna at mag-sponsor ng ikalawang bakuna para sa mas mahihirap na benepisyaryo nito, sinabi ng PRC na sila ang pipili ng magiging beneficiaries ng programa base sa guidelines ng Department of Health sa mga priority target groups. 


Pero kung titingnan ang link ng PRC para sa kanilang vaccination program, puno na ang mga slots na inaalok nito dahil sa mataas na demand sa bakuna. 


Mayroong vaccination campaign ang PRC na nag-aalok ng available na bakuna kabilang na ang Moderna vaccine. 


Ang halaga ng pagbabakuna ay P600 kada tao para sa dalawang doses. Ang presyo mismo ng bakuna ay P1,320 o kabuuang 2,640 para sa dalawang dose ng bakuna.


Pinaplantsa pa sa ngayon ang guidelines sa pagbabayad subalit maaari nang magsumite ng reservation form sa Red Cross. 


Ayon sa non-profit organization, inaasahan nilang darating ang mga in-order nilang bakuna sa Hunyo o Hulyo ngayong taon, bagama't aminado ito na depende pa rin ito sa polisiya ng pamahalaan at iba pang mga kadahilanan kung kailan talaga magiging available sa bansa ang bakuna. 


Nilinaw din ng PRC na kahit dumating na sa bansa ang bakuna, hindi pa ito agad-agad maituturok sa bumili dahil kinakailangan pa ng scheduling para sa mga matagumpay na nakapagparehistro at nakapagbayad na. 


Sa mga kumpanyang nakabili na ng saring suplay ng bakuna, maari namang kunin nalang ang serbisyo nito para sa administration o pagtuturok ng bakuna. 


- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/04/29/21/buy-1-donate-1-covid19-vaccine-philippine-red-cross

No comments:

Post a Comment