Mananatili pa rin sa modified enhanced community quarantine ang Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite, at Rizal o ang tinatawag na National Capital Region (NCR) Plus bubble hanggang Mayo 14.
Hanggang katapusan nama ng Mayo ang MECQ sa Santiago City, Quirino, at Abra, ayon sa pinakahuling anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
"I’m sorry that I have to impose a longer --- itong modified enhanced community kasi kailangan. Nag-spike ang --- may spike ang ano, tumaas ‘yong infections at ‘yong hospital natin puno. Kaya ho sana ‘wag ninyong dagdagan," ani Duterte.
Sumang-ayon naman dito ang mga alkalde ng Metro Manila, na kasama sa Metro Manila Council.
"Umayon po ang mga alkalde po rito sa MECQ... sapagkat ito ay sagot sa mga walang trabaho, magkakaroon ng activities, at sagot rin naman na hindi tataas ang impeksiyon dahil ang border control po,” ayon kay MMDA chairman Benjamin Abalos.
Unang inimungkahi ng mga alkalde ang pagpapatupad ng MECQ Flex na pumapayag sa pagbubukas ng mas maraming negosyo, sa layuning mapabuti ang ekonomiya habang naka-lockdown.
Nasa general community quarantine naman ang mga sumusunod
Apayao
Baguio City
Benguet
Ifugao
Kalinga
Mountain Province
Cagayan
Isabela
Nueva Vizcaya
Batangas
Quezon
Tacloban City
Iligan City
Davao City
Lanao del Sur
Ang mga hindi nabanggit na lugar ay awtomatikong nasa modified GCQ, ang pinakamababang lebel ng quarantine, pero kailangang tutukan ang ilang lugar sa Luzon, Region 6, at Region 9.
Puwede pa ring iapela ng mga lokal na pamahalaan sa pandemic task force ang kanilang mga quarantine classification.
Sa ngayon, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nasa 69 porsiyento na ang health care utilization rate sa Kamaynilaan matapos madagdagan ang modular hospital sites, at iba pang health facilities.
Dumarami na rin aniya ang health care workers at naiapamahagi na ang 107 milyong set ng PPE sa NCR Plus Bubble.
May 6,895 bagong COVID-19 cases sa bansa na naitala noong Miyerkoles. Aabot na sa 1,020,495 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.
— Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News
No comments:
Post a Comment