Thursday, April 29, 2021

500,000 pang doses ng Sinovac vaccine dumating; Sputnik V inaasahan sa Mayo

Dumating na ang 500,000 pang doses ng mga bakuna ng Sinovac mula China nitong umaga ng Huwebes. 


Ito ang kumumpleto sa 1.5 milyong doses ng Sinovac na ipinangako para sa buwan ng Abril, matapos dumating noong nakaraang linggo ang 500,000 doses ng Sinovac vaccines. 


Ang 500,000 doses ay kasama sa mga vaccine dose na binili ng gobyerno. 



Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., hawak na nila ang certificate of analysis para sa suplay na ito, at prayoridad sa distribusyon ang mga nasa National Capital Region (NCR) Plus. 


Sa dalawang milyong doses na inaasahang ide-deliver sa Pilipinas ngayong Abril, 1.5 milyon lang ang dumating. 


Ang 500,000 doses ng Russian COVID-19 vaccine na Sputnik V, naurong ang delivery sa Mayo. 


"Hirap tayo sa mga pagdala kasi wala nang eroplano na makuha natin na direct Russia to Philippines, China to Philippines. Maraming daanan na transshipment, dito lang hanggang Hong Kong tapos ilipat, that is why sabi niya (Galvez) mahirapan tayo minsan mag-tailor na madali ipadaan sa madaling panahon and that the integrity at iba ng bakuna is protected," paliwanag naman ni Pangulong Rodrigo Duterte. 


Ayon kay Galvez, inaasahang darating sa Mayo 1 ang unang 15,000 doses ng Sputnik V. 


Nagsabi na rin aniya ang Philippine Airlines at Cebu Pacific na handa na silang magbiyahe nang direct mula Moscow patungong Pilipinas para sundin ang malalaking shipment ng bakuna. 



Bukod sa 500,000 doses ng Sputnik V, may 2 milyong doses pa nito na nakatakdang dumating sa Mayo. 


May ide-deliver din na dagdag na 2 milyong doses ng Sinovac, kung saan 1.5 milyon ang darating sa Mayo 7. 


Inaasahan ding darating sa Mayo ang mga AstraZeneca vaccine mula sa COVAX facility ng World Health Organization, pero nakikipagnegosasyon na rin anila ang Pilipinas para mabili ang sumobrang AstraZeneca vaccines ng Amerika, Israel, at United Kingdom. 


Makakatanggap naman ang Pilipinas ng higit 2.3 milyong doses ng Pfizer COVID-19 vaccine mula sa COVAX bago matapos ang Hunyo. 


Hunyo na rin inaasahan ang dating ng mga bakuna ng Moderna. 


Ayon naman kay Galvez, bandang Agosto pa magsisimula ang pagbabakuna ng karamihan ng populasyon. 


Inaasahan naman niya na pagdating ng 2022 ay tuluyan nang mapupuksa ng bansa ang COVID-19 at makakarekober na ang ekonomiya. — Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/04/29/21/500000-doses-sinovac-vaccine-dumating-sputnik-v-mayo

No comments:

Post a Comment