(UPDATE) — Nag-iba ang takbo ng joint maritime exercise ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Sabina Shoal noong nakaraang linggo nang paalisin nito sa teritoryo ng Pilipinas ang 7 barko na kalauna’y nalamang galing China.
LOOK: 7 ships identified as Chinese Maritime Militia Vessels were chased off Sabina Shoal in the West Philippine Sea on April 27 during a joint maritime exercise by the PH Coast Guard & BFAR
— Anjo Bagaoisan (@anjo_bagaoisan) May 5, 2021
📸:PCG pic.twitter.com/SwmAykvl85
Ayon kay Philippine Coast Guard spokesperson Commodore Armando Balilo, nasa lugar ang barkong BRP Cabra at dalawa pang barko ng BFAR nang mamataan ang una’y 7 unidentified foreign vessel bandang alas-9 ng umaga ng Abril 27.
Nasa halos 120 kilometro ang Sabina Shoal mula sa Mapankal Point ng Rizal, Palawan.
Nakaangkla roon ang mga barko na nadiskubreng mga China maritime militia vessel.
Agad niradyuhan ng Coast Guard sa mga barko para igiit na nasa Philippine Exclusive Economic Zone ang mga ito at pinagpapakilala sila.
Kasama sa mga hiningi ang pangalan ng mga barko, bakit naroon sila at kung saan sila nanggaling at patungo.
Sabi ng PCG, 3 beses hindi sinagot ang pagraradyo nila kaya nilapitan na ng 3 barko ng Pilipinas ang mga Chinese militia vessel. Doon nag-angat ng angkla at nagpaandar ng makina ang mga ito.
Matatandaang noong Marso nagparada ang Tsina ng 200 barko sa Julian Felipe or Whitsun Reef.
Noong Abril, may naganap ding parehong paghahamon ng barko ng Chinese military sa sasakyan ng mga Pilipinong mangingisda na kasama ng ABS-CBN news team na patungong Ayungin Shoal.
Nitong linggo naman, humingi ng paumanhin si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. dahil sa pagmumura sa tweet na gumigiiit na umalis na ang Tsina sa mga isla ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Nanawagan naman si Duterte sa Tsina noong Lunes na hayaan nitong makapangisda nang mapayapa roon ang mga Pilipino, at idinagdag na nananatiling ‘benefactor’ ang Tsina sa Pilipinas.
Samantala, may sagot naman si Presidential Spokesperson Harry Roque kay retired Supreme Court senior Associate Justice Antonio Caprio na sinabing "grand estafa" ang sinabi ni Duterte na hindi sya nangakong ibabalik ang mga teritoryo ng Pilipinas na inangkin ng Tsina.
"Kung estapador po ang Presidnte eh ano tawag sa kaniya na siya mismo ang sumulat ng desisyon kung saan nawala ang sangkatutak na teritoryo natin? But we will not stoop down to his level... Panagutan niya ang kaniyang desisyon, panagutan ni dating [Foreign Affairs] Secretary Albert [Del Rosario] ang pagkawala ng Scarborough," patutsada ni Roque.
https://news.abs-cbn.com/news/05/05/21/7-barko-ng-china-pinaalis-ng-pcg-sa-sabina-shoal