Thursday, April 29, 2021

NUJP, nagbigay-pugay sa mga mamamahayag na nagkasakit, namatay sa COVID-19

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News


Nagsagawa ng pagbibigay-pugay ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa mga kasamahan sa industriya na nagkasakit ng COVID-19 at namatay dahil sa sakit na ito. 


Ginawa ang live streaming sa Facebook page ng NUJP. Nagsilbi rin itong fund raising program para makatulong sa mga nagkasakit na kasamahan sa media. 


Sa gitna ng pandemya, malaki ang responsidbilidad na ginagampanan ng media dahil sa pagkakalap at paghahatid ng balita. 


Ito rin ang dahilan kung bakit nae-expose sila sa virus o nahaharap sa panganib na magkasakit ng COVID-19. 


Una sa binigyang pagkilala ay si Edwin Sevidal ng ABS-CBN. May isang video na ipinakita kung saan inalala ng mga kasamahan ni Edwin kung gaano sya kabuting boss, mentor, katrabaho at kaibigan. Dito nakita ang pagmamahal sa kanya ng mga kasama nya sa trabaho. 


Naghandog ng awit si Grace Sheela Pickert. Inawit nya ang “Paglisan” ng Color It Red. 


Matapos iyan ay kinilala rin ang mga cameraman na sina Carlo Samaniego, Alex Ico at Mel Estrella ng GMA sa pamamagitan ng video tribute na ginawa NUJP GMA chapter. 


Sinabi ng NUJP na nariyan ang media sa gitna ng pandemya para ipagbigay alam sa publiko ang mga importanteng impormasyon at kung paano tumutugon ang pamahalaan sa malaking problema ng bansa. 


Sa panahon ngayon, nakikita ang solidarity ng media bilang truth tellers at walang puwang ang kompetisyon sa mga kumpanya. 


Muli ring inilunsad ng NUJP ang Tabang Media Project na humihingi ng suporta, ano mang halaga, bilang tulong sa mga media workers na nagkakasakit ng COVID-19. Nagsalita at kumanta rin sa programa ang dating chairperson ng NUJP na si Nonoy Espina. 


Sinabi niya na sana ay patuloy ang pagkakaisa ng media sa lahat ng panahon. Nanawagan din siya ng tulong dahil naniniwala siya na hindi pa matitigil ang pandemya kaya kailangan ng matinding suporta sa mga mamamahayag. 


Natutuwa din si Espina sa magandang samahan ngayon ng media workers mula sa iba’t-ibang kumpanya. Tumugtog naman ng instrumental music si Dempto Anda na dating director ng NUJP. Si Tarra Quismundo naman ng ABS-CBN ay naghandog din ng awit.


Huling kumanta si Orly Delos Santos na isang TFC Correspondent at sinabi nya kung gaano kadelikado ang maging media worker pero maraming kabataan ang nangangarap na pumasok sa ganitong propesyon. 


Sa kalagitnaan ng programa, nakakalap na ng pondo ang NUJP at umaasa pa sila na may mga magbibigay pa ng tulong kaya labis ang pasasalamat ng NUJP.


https://news.abs-cbn.com/news/04/29/21/nujp-nagbigay-pugay-sa-mga-mamamahayag-na-nagkasakit-namatay-sa-covid-19

No comments:

Post a Comment