Thursday, April 29, 2021

'Mas magandang ikumpara ang PH sa mga bansang may mabuting pandemic response'

Maraming bansa ang higit na mas malala ang sitwasyon sa Pilipinas pagdating sa kaso ng COVID-19, base sa datos ng Johns Hopkins University.


Pero paano nga ba dapat ihambing ang Pilipinas lalo't magkakaiba ang katayuan ng mga bansa?


Sa datos ng Johns Hopkins University, nasa ika-26 na puwesto ang Pilipinas pagdating sa dami ng kabuuang bilang ng mga kaso ng COVID-19.


Karamihan sa mga bansang napakataas ang bilang ng kaso ng sakit ay may matataas ding populasyon tulad ng Amerika, India at Brazil.


Mataas din ang bilang ng mga kaso sa mga bansa sa Europa na mataas ang testing gaya ng Italy, Spain, Germany pati United Kingdom.


Para sa dating adviser ng National Task Force Against COVID-19 na si Dr. Tony Leachon, mas maganda sana kung ikukumpara ang Pilipinas sa mga bansang maganda ang naging tugon sa pandemya o sa mga bansang hindi nalalayo ang estado sa Pilipinas.


"If we compare ourselves with the worst cases, may mga ulat na kino-compare natin ang sarili natin with India or Brazil, para maging ang feeling natin ay maging maganda ang pakiramdam natin," ani Leachon.


"I think ang dapat, compare with the best of the best and get their best practices para ma-adapt natin sa ating situation," sabi ni Leachon. "Ang ka-match natin should be the areas in the Southeast Asian region."


Pinakanalalapit umano ang estado ng Pilipinas sa bansang Vietnam, na may halos 100 milyong populasyon.


Pero napakababa ng Vietnam sa listahan pagdating sa dami ng kaso: pang-167 sa tala ng Johns Hopkins dahil mayroon lamang silang halos 3,000 kaso.


"Basically dahil sa pag-adhere [ng Vietnam] sa sicence," ani Leachon.


"Border control nila, isa sila sa pinakamatindi sa buong mundo... Isa sa best practice nila, 'yong clear messaging, innovative, plus transparent and open communication," dagdag niya.


Kung ihahanay ang lahat ng bansa sa Southeast Asia, pangalawa ang Pilipinas sa Malaysia na may pinakamaraming bagong kumpirmadong kaso sa bawat 1 milyong populasyon. 


May higit 60,000 testing output kada araw ang Malaysia, na may higit 32 milyong populasyon. 


Naglalaro naman sa 50,000 ang testing output kada araw ng Pilipinas na may 110 milyong populasyon.


Sa Indonesia naman, kahit may 1.6 milyong kabuuang kaso na sila, nagsimula nang bumaba ang naitatalang mga bagong kaso kada araw sa 5,000.


Isa naman ang Pilipinas sa mga nangungunang bansa sa Southeast Asia pagdating sa vaccine rollout.


Base sa datos ng Department of Health, sa higit 3 milyong doses ng bakunang natanggap ng Pilipinas, 1.8 milyon na ang naituturok sa priority sectors. 


Halos 247,000 pa lang ang fully immunized o nakatanggap ng 2 dose ng bakuna, malayo pa ito sa target na 70 milyon para makamit ang herd immunity.


Nagpaalala naman si Guido David ng OCTA Research Group sa publiko na patuloy na mag-ingat.


"We encourage pa rin to minimize 'yong going out because marami pa rin ang cases. We're still averaging 3,300," ani David.


"Until bumaba 'yong number of cases, mapupuno pa rin ang hospitals and that's why we're targeting mga less than 2,800 cases per day. Hospitals will start to ease din once we reduce the number," ani David. 


Tantiya ng OCTA Group, kung maipagpapatuloy ng mga Pilipino ang pag-iingat at limitadong galaw, maaaring makitang mabawasan ng 2,800 ang kaso kada araw sa buong bansa sa loob ng 1 o 2 linggo.


Maaari ring mabawasan ng 2,000 ang kaso sa Metro Manila kada araw pero baka raw abutin pa ito ng isang buwan. 


-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/04/29/21/mas-magandang-ikumpara-ph-mabuting-pandemic-response

No comments:

Post a Comment