Hindi napigilan ng isang public health expert na punahin ang aniya'y "nakakalito" nang mga termino na inimbento ng pamahalaan para sa quarantine classifications ng bansa.
Matatandaang noong Miyerkoles ay pinalutang ng Metro Manila mayors ang pagsasailalim sana sa NCR Plus sa "MECQ Flex," na ikinalito naman ng netizens.
Sabi ni public health expert Dr. Aileen Espina sa TeleRadyo nitong Huwebes, nakalilito lang ang iba-ibang quarantine classifications na ang pakay naman ay higit na nakapokus sa economic activities na papayagan ng gobyerno, at hindi sa health system.
"To be candid and to be honest about it, magulo talaga siya. Kahit sa amin po, ako personally, I can only speak for myself, hindi ko po talaga memorize kung ano 'yung pagkakaiba ng ECQ, MECQ, GCQ, MGCQ, at ngayon meron pang flexible MECQ," ani Espina.
Para kay Espina, higit na mas mahalagang maituro sa mga tao ang level of alertness at practices na dapat sundin depende sa sitwasyon at hindi ang mga bagay na may kinalaman sa pagbubukas ng ekonomiya.
Noong Miyerkoles ng gabi, napagdesisyunan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy ang modified enhanced community quarantine ang NCR Plus, na sakop ang Metro Manila, Laguna, Rizal, Cavite at Bulacan.
Tatagal ang MECQ sa NCR Plus hanggang Mayo 14.
https://news.abs-cbn.com/news/04/29/21/confusing-quarantine-terminology-philippines
No comments:
Post a Comment