Hinimok ng Department of Health (DOH) ang publiko na patuloy na magkaroon ng tiwala sa mga bakuna kontra COVID-19 dahil ito ang makatutulong para matigil na ang paglaganap ng impeksiyon sa bansa.
“Sana po tuloy-tuloy ang ibigay nating kompiyansa sa ating mga bakuna. Marami po tayong naririnig, maingay po ang kapaligiran natin when it comes to vaccines. Pero ang aming payo, just get the information from the sources na inyong pagkakatiwalaan at ito po ang DOH,” pahayag ni DOH health undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Base sa tala ng gobyerno nitong Abril 18, 2021, halos 1.5 milyon doses ng bakuna kontra COVID-19 ang nagamit na sa bansa. Tanging mga medical frontliners, senior citizens at mga taong may comorbiditiies ang binabakunahan sa ngayon.
“Magpabakuna po tayo dahil ito po ay isa sa pinaka-epektibo na paraan para matigil na ang ganitong sitwasyon lalo na tumataas ang mga kaso.
Sa panayam sa segment na Bakuna Muna sa programa sa TeleRadyo Miyerkoles ng umaga, isa-isang sinagot ni Vergeire ang mga katanungan ng publiko kaugnay na isinasagawang vaccination program ng pamahalaan.
KAILAN PWEDENG MAGPABAKUNA KONTRA COVID-19 ANG TAONG NABIGYAN NG HULING DOSE NG ANTI-RABIES VACCINE:
“Base sa ating protocols, kapag ikaw ay naka-receive ng kahit na anong bakuna aside from the COVID-19, 14 na araw ang dapat antayin bago kayo pwedeng magpabakuna.”
KAILAN ANG TARGET NA MABAKUNAHAN ANG ESSENTIAL FRONTLINE WORKERS:
“Bagaman nakapaglabas na po ng aprubado na priority list for the A4 essential workers, aantayin po natin ng hudyat galing sa vaccine cluster head natin because this will all depend on the supplies that are coming in. Sa ngayon po, ang A2 at A3 natin na mga populasyon hindi pa rin po natin masyadong nakoKover kaya aantayin natin magkaroon ng enough supplies para ma-cover natin itong A4. But definitely, masasabay po natin yan sa simultaneous vaccinations depending on the supplies.”
WALK-IN SA VACCINATION SITES, PAPAYAGAN PA BA:
“Iniiwasan po natin yung walk-in vaccination, yung bigla na lang pupunta at magpapabakuna dahil iyan po ang nakakapag-cause ng pagkakakumpol-kumpol ng tao. Ang ginawa ng ating local governments ngayon, nag set up slla ng mga masterlisting kung saan pwedeng gawin online. Kailangan pumasok kayo sa sistema na yun para mabigyan kayo ng schedules niyo and maipopost po 'yan sa ating mga social media platforms kung ano-ano itong websites ng ating mga local governments. Pwede rin silang magtanong sa kanilang barangay o sa kanilang public information officer para mas alam po nila kung paano nila gagawin ito.”
ANO DAPAT DALHIN SA VACCINATION CENTERS:
“Depende 'yan sa kung anong sektor ka mapupunta. Kung ikaw ay senior citizen, you just need to bring your senior citizen’s ID. Kung kayo naman po ay may comorbidities, kailangan lang magdala, maaaring 'yung medical certificate ng doktor na valid 18 months previous, pwede din hong mga reseta ng inyong mga gamot, pwede rin mga laboratoryo na ginawa sa inyo na nagpapatunay na kayo ay may sakit na ganun. Kung dadating na tayo sa A4 na populasyon, kailangan po nito ng certification ng inyong employer na kayo po ay eligible for this vaccination.”
REAKSIYON SA REKOMENDASYON NG PHILIPPINE HEART ASSOCIATION KAUGNAY SA VITAL SIGNS SCREENING:
“Pinag-aaralan namin 'yan and kami naman po ay sumasanga-oyon sa kanilang obserasyon na medyo dumami deferrals natin because of this blood pressure taking. Ang nangyari po, ang atin mga healthcare workers, pagka ang blood pressure nung tao ay medyo mataas lang sa usual o normal hindi na po nila binibigyan ng bakuna kaya po kami magpapalabas ng further guidelines ukol dito para po makapag-align tayo sa rekomendasyon ng Philippine Heart Association. Ang kailangan pong maintindihan ng ating healthcare workers, atin lang dine-defer ang pagbabakuna katulad ng sabi ng Philippine Heart Association kapag ang BP ay 180/120 or higher. Pero sa iba pwede natin silang mabakunahan dahil minomotor naman natin. Kailangan lang namin pag-aralan pa nang mas maige kung pwede na nga talagang tanggalin yung vital signs screening pag tayo ay nagpapabakuna.”
GAANO KALALA ANG MGA NAIUULAT NA ADVERSE EVENTS SA BAKUNA:
“Marami na pong adverse events pero kailangan nating ilagay sa konteksto. Pag tiningnan natin kabuuan ng adverse events napakaliit po ng porsiyento ang mga adverse events na ito sa buong populasyon na biibigyan natin ng bakuna. It’s just about 2 percent out of all of those who received the vaccination. Most of these adverse events are minor, common lang po, masakit ang braso, masakit ang ulo, parang trinatrangkaso, mabigat ang katawan, nangangati yung iba. Pero yung mga serious adverse event napakaliit po .004 percent among all of those vaccinated.”
GUIDELINES SA PAGGAMIT NG ASTRAZENECA PARA SA 59-ANYOS, PABABA:
“Meron po kami ngayong meeting with the Food and Drug Administration at saka yung mga eksperto natin para mas bigyan natin ng precautions ang ating mga kababayan na magfa-fall dito sa sinasabi nating 59-years old and below. Ito pong AstraZeneca vaccine, binigyan na ng rekomendasyon ng FDA na tuloy ang bakunahan ngunit kailangan magbigay tayo ng guidelines para sa mga precautions para sa ating mga kabababayan. Antayin lang po natin, ilalabas natin ang guidelines na ito this coming days.”
CLINICAL TRIALS NG IVERMECTIN:
“Yan po ang pinakamagaling na gagawin na natin sa ngayon para maputol na yung pag-aagam-agam, maputol na yung mga sinasabing questions ng ating mga kababayan at talagang mailagay natin sa tamang proseso kung gagamitin ba natin o hindi. So these clinical trials will give us that sense or information kung itong Ivermectin talaga ay magkakaroon ng magandang epekto o it can help manage COVID-19. Ito po ay maisagawa natin at hintayin natin ang resulta para masabi natin kung pwede nating gamitin o hindi natin pwedeng gamitin ang Ivermectin sa COVID-19.”
PWEDE BANG MABAKUNAHAN SAKALING MAY SINTOMAS NG COVID-19:
“Itong mga sintomas na sinasabi natin ubo, sipon, lagnat—these are COVID related symptoms. Base po sa protocol natin kapag kayo ay may ganyang nararamdaman, wag na kayong magpunta sa bakunahan, mag isolate na po kayo, coordinate with your local government para kayo ay matest at mabigyan ng karampatang guidance. Hindi po natin binabakunahan ang mga taong may sintomas, we defer them until makarekober po sila dito sa mga sakit nila ngayon.”
MAY MASAMA BANG EPEKTO SA KATAWAN ANG BAKUNA SAKALING MABAKUNAHAN ANG TAONG MAY COVID PERO ASYMPTOMATIC:
“Itong bakuna natin is generally safe kaya lang po natin iniiwasan na makapag bakuna kapag sila ay may sakit unang-una, baka makapanghawa sila doon sa ating mga vaccination site. Pangalawa, atin din iniiwasan s’yempre nagpoproduce din ng antibodies kapag tayo ay nagkakasakit at nagpoproduce din ng antibodies pag binakunahan. Ayaw nating magkaroon ng mixing na ganito kasi mas gusto nating mamonitor ang ating mga kababayan. Generally, it is safe kahit kayo may sakit o meron kayong COVID-19 at nabigyan kayo, wala namang ipinapakitang ebidensiya na magkakaroon kayo ng masamang epekto dito.”
MAAARI BANG MAGPABAKUNA NG 2 MAGKAIBANG BRAND:
“Wala pang ebidensiya na makakApagsabi na beneficial sa atin yung magkakaroon ng mixing of vaccine o ‘di kaya nakatapos ka na sa brand na 2 doses, magpapabakuna ka pa ulit ng isa pa. Antayin po natin ang mga lalabas na ebidensiya in the coming months kung ano po ang dapat nating gawin when it comes to this booster doses na tinatawag natin.”
Nitong Martes, nakapagtala ang Pilipinas ng 953,106 kabuuang kaso ng COVID-19, kung saan 127,006 ang bilang ng active infection.
https://news.abs-cbn.com/news/04/21/21/alamin-nagpositibo-may-sintomas-ng-covid-19-pwede-bang-mabakunahan