Saturday, February 6, 2021
Pabillo, panawagan ang pagpapaigting sa page-ebanghelyo sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa bansa
Nanawagan ang isa sa mga lider ng Simbahang Katolika ngayong Sabado sa importansya ng page-ebanghelyo ng mga Kristiyano bilang serbisyo sa kanilang kapuwa, ngayo't ipinagdiriwang ang ika-500 taon ng pagkakatatag ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Ginanap ang misa para sa selebrasyon sa Manila Cathedral, na dinaluhan ng daan-daang tao, at pinangunahan nina Bishop Broderick Pabillo, ang Apostlic Administrator ng Maynila, at Archbishop Charles Brown, ang Apostolic Nuncio sa Pilipinas.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Bishop Pabillo ang mga Kristiyano na kumilos para ibahagi ang pananampalatayang nagiging gabay nila sa buhay.
Nanawagan siya sa lahat na lumabas sa kani-kanilang “comfort zone” dahil marami ang oportunidad ngayon para maipamahagi ang Salita ng Diyos.
“Anything with deep roots in history there is a danger of becoming a monument. We glory in our antique images, we may have these but let us not in our church antiques, museums and artifacts, which main concern is preservation. That is why Pope Francis calls us to go out from the maintenance road and go to the missionary goal,” ani Pabillo.
Ipinagdiriwang din ang ika-442 taon nang pagiging archdiocese ng Maynila, bagay na ayon kay Bishop Pabillo, ay dapat pa lalong pagtibayin ng simbahan dahil sa siyudad daw nagsimula ang paglaganap ng Kristiyanismo sa bansa.
Dinala ang Kristiyanismo sa bansa ng mga mananakop na Kastila noong 1521.
Dumalo rin sa Misa ang mga opisyal at alkalde ng mga bayang kinasasakupan ng Archdiocese ng Maynila tulad nina Manila Mayor Isko Moreno, Manila Vice Mayor Honey Lacuña, Mayor Imelda Rubiano ng Pasay, Mayor Abi Binay ng Makati at Mayor Carmelita Abalos ng Mandaluyong City.
Pagpapalawig pa sa pag e-ebanghelyo
Ito na rin ang oras aniya para palawigin ang naaabot ng Simbahan, kung saan ang pag e-ebanghelyo sa internet ang nagiging isa sa mga epektibong pamamaraan.
Matatandaang nauna na rin daw hinikayat ng Santo Papa ang mga Simbahan na maging creative sa pamamaraan ng pag-evangelize sa iba’t ibang komunidad.
“Our great mission field, a worldwide space that we have to reach is the digital continent. The digital way of connecting with people and evangelizing even with the coming of the vaccine. Let us learn to bring God’s word in the world of the internet,” paliwanag ni Bishop Pabillo.
Panawagan din ng Arsobispo sa mga kapwa niya manggagawa para sa pananampalataya na huwag matakot na ihayag ang mabuting balita.
“There are so many issues in society now that need God's word which is a message of peace, of justice, of peace, of truth. Do not be afraid to preach the word,” aniya.
Ibinahagi naman sa lahat ng mga dumalo ang 500-year mission cross bilang tanda ng kanilang dedikasyon na isulong ang mga sumusunod:
- “To condemn senseless killing and violation of human rights”
- “To work for the eradication of poverty and corruption and renewal of integrity”
- “To strengthen families”
- “To combat fake news”
- “To do our part in stopping COVID-19”
Bilang pagtatapos ng selebrasyon, pinangunahan ng singer na si Jamie Rivera ang kantang “We Give Our Yes” na siyang tema ng pagdiriwang, at magsisilbing commitment ng mga Kristiyano sa mga darating pang taon.
Serbisyo ng Kristiyanismo para sa mga nangangailangan
Nang dahil sa COVID-19, mas marami ang nangailangan at patuloy na mangangailangan ng tulong. Ito daw ang isa sa mga dahilan kaya’t napagdesisyunan na ng 2nd Plenary Council of the Philippines (PCP-II) na tanggalin na ang arancel o ang mga taripang binabayaran tulad ng para sa mga kasal, binyag, at pamisa sa mga namatay.
Ayon kay Pabillo, regalo ito ng Simbahan para sa mga Pilipino kasabay ng pagdiriwang.
“In the 500th anniversary of Christianity, we give this gift to the people that they can avail the services of the Church for free,” aniya.
“Ang pagtanggal ng arancel ay hindi pakiusap, itinalaga na ito ng simbahan sa buong bansa,” dagdag niya.
Nagustuhan naman ito ng mga katolikong nakasanayan ang pagbabayad para sa mga sakramento sa Simbahan.
“Maganda… iyon kasi mabubuksan natin ang Simbahan sa mga kapatid na hindi talaga kaya na magbayad ng mga sakramento. Kaya magandang bagay na gagawin ito,” paliwanag ni Angelo Berbosa.
“Para maging tulong na rin natin sa mga kapwa natin na kapuspalad,” sabi naman ni Dane De Leon.
Napili naman ng Archdiocese of Manila ang 10 simbahan sa Metro Manila na maging pilgrim churches na sentro umano ng mga aktibidad para sa jubilee celebration.
- Manila Cathedral (Manila)
- Minor Basilica of the Black Nazarene, Quiapo Church (Manila)
- Archdiocesan Shrine of Nuestra Señora de Guia (Manila)
- Archdiocesan Shrine of Sto. Niño de Tondo (Manila)
- San Pablo Apostol Parish (Manila)
- Santa Clara de Montefalco Parish (Pasay)
- National Shrine of Our Lady of Guadalupe (Makati)
- Sts. Peter and Paul Parish (Makati)
- San Felipe Neri Parish (Mandaluyong)
- St. John the Baptist Parish (San Juan)
Labis naman din ang tuwa ng ibang dumalo sa selebrasyon.
“Masayang-masaya po, masaya ang pakiramdam ko ngayon na nakarating ako rito, basta nag-iingat lang po, magagampanan namin ang pinagkakatiwala sa amin na misyon,” sabi ni Norma Litapa, isa sa mga dumalo sa misa.
Paliwanag naman ng ilan, parang mas gumaan ang loob nila dahil sa pagdiriwang.
“Masayang-masaya kami kasi na-feel namin 'yung pagiging Kristiyano namin. Kahit na sa pandemic, hindi po nawawala ang presence ni God,” sabi ng mag-asawang Jane at Angelo.
“Parang na-renew 'yung pagiging Catholic namin,” sabi ni Jane De Leon, isa sa mga pumunta sa misa.