Thursday, July 22, 2021

Mga pagpupugay, protesta sa huling SONA ni Duterte kasado na

Sa Lunes pa ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte pero handang-handa na ang gobyerno at mga kritiko para sa huli niyang "ulat sa bayan" bago bumaba sa puwesto sa 2022.


Apat na araw bago ang huling SONA, inilunsad ng Kamara ang mahigit 4 minutong tribute video para sa umano'y mga tagumpay ng Duterte administration. 


Kabilang dito ang mga sumusunod: 



Universal Access to Quality Tertiary Education Act

United Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST)

Malasakit Centers

Universal Health Care Act 

Temporary closure ng Boracay 

Strict enforcement ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 

COVID-19 Vaccination Program Act

Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act

Murang Kuryente Act

Build, Build, Build 


Pero hindi bilib ang Makabayan bloc sa mga umano'y achievements ng administrasyon.


"Sa halip na i-regularize 'yung mga contractual tila siya ang gusto maging regular... Pagkatapos maging Pangulo gusto pa niya tumakbo ngayon bilang bise presidente," ani Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite.


"Kalabasa award ang binigay ng ating mga kaguruan dito sa tandem ni Duterte at ni Education Sec. Leonor Briones dahil sa hindi pagtugon sa kahilingan ng mga teachers," ani ACT Teachers Rep. France Castro. 


Handa na rin ang mga magra-rally sa SONA. 

    

Mula University Avenue, susubukan nilang magmartsa hanggang St. Peters sa Commonwealth para magkaroon ng maikling programa.

    

Susunod daw sila sa health protocols kontra COVID-19.


"Umaasa kami na ang PNP ay tutupad sa naging usapan, malinaw po ang naging parameters at susundin namin," ani Sanlakas secretary general Aaron Pedrosa.


Pati art work na gagamitin sa martsa, hinahanda na.


"Nandu'n si Duterte, siya 'yung main na kapit-tuko, ta's may baby na Sara Duterte na maliliit na tuko. Siyempre nandito din 'yung tinatawag namin na alipores niya, sina Harry Roque, (Salvador) Panelo," ani Isis Molintas, artist ng effigy. 


Nakalatag na rin ang seguridad ng kamara bagama't walang nakikitang matinding banta.


—Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/07/22/21/mga-pagpupugay-protesta-sa-huling-sona-ni-duterte-kasado-na

Radio commentator patay sa pamamaril sa Cebu

(UPDATE) Patay ang isang radio commentator matapos umanong pagbabarilin ng 2 hindi pa kilalang salarin sa labas mismo ng istasyon sa Barangay Mambaling, Cebu City nitong umaga ng Huwebes.


Ayon kay Cebu City Councilor Dave Tumulak, katatapos lang ng commentator na si Rey Cortes sa programa nito at pasakay na ng SUV nang biglang kaladkarin ng 2 lalaki bago barilin.


Nagtamo ng tama ng bala sa braso at puso ang biktima.



"I wasn’t able to finish my program which was after his because I had to run down to attend to him. He was already lying down and in pain," ani Tumulak.


Idineklarang dead on arrival sa ospital si Cortes.


Ayon kay Police Maj. Dindo Alaras, hepe ng Mambaling Police Station, ang trabaho ni Cortes bilang commentator at personal na alitan ang ilan sa sinisilip na anggulo kaugnay sa pagpatay.


"Our investigation showed that he also recevied a lot of threats," ani Alaras.


Nanawagan naman ang Cebu chapter ng National Union of Journalists of the Philippines ng mabilis na imbestigasyon sa insidente.


"We resist all threats and attempts to silence the media, to gag the fourth estate from bringing truth to power," sabi ng grupo sa pahayag.


Dating reporter ng Bombo Radyo Cebu si Cortes bago naging commentator sa dyRB station.


Dati na ring binaril si Cortes pero naka-survive siya.


Kasal si Cortes kay Kit Matus Cortes, na news director ng radio station na DYSS sa Cebu.


Noong 2017, na-convict si Cortes para sa kasong libel pero nakapagpiyansa.


—Ulat ni Annie Perez


https://news.abs-cbn.com/news/07/22/21/radio-commentator-rey-cortes-cebu-patay