Friday, April 30, 2021

Pagdadagdag ng critical care facilities vs COVID-19 umarangkada

Umarangkada na ang pagpapatayo ng mga modular facility para matugunan ang mga tumataas na kaso ng severe coronavirus disease (COVID-19). 


Pormal na binuksan ngayong Biyernes ang modular facility sa Batangas Medical Center na itinayo ng Department of Public Works and Highways noong Nobyembre. 


"Ito 'yung parang response natin lalong lalo na sa pandemic kasi alam naman natin na talagang kinukulang tayo lalong lalo na sa ICU (Intensive Care Unit) na mga pasyenteng nangangailangan ng severe or critical care management,” ani treatment czar Leopoldo Vega. 


Ayon sa medical chief ng ospital na si Dr. Ramoncito Magnaye, ilang beses silang nag-100 percent capacity nitong nakaraang tatlong linggo. Galing sa iba pang lugar gaya ng Metro Manila, ibang bahagi ng Calabarzon at Mindoro ang tinanggap nila noon na pasyente. 


"The problem sometimes is when you are in the middle of the day and there are many patients coming in, now you only have to juggle the patients, meaning allocation of room becomes problematic,” ani Magnaye. 


Ayon kay Vega, aabot sa 300 critical care beds ang target nilang idagdag para mapunan ang kakulangan sa gamutan ng mga pasyenteng nasa malubhang kondisyon. 


Higit 60 porsiyento ng 2,805 intensive care beds ang okupado ngayon sa buong bansa. 


May 10 ICU beds ang modular facility sa Batangas at 21 regular isolation beds na maaaring i-convert na ICU. 


Operational na rin ang modular hospital sa National Kidney Transplant Institute na may kapasidad na 20 pasyente kada araw. Bukod sa 110 bed capacity modular hospital sa Quezon Institue, may Lung Center modular hospital din na may 16 na kama, at Dr. Jose Rodriguez Hospital na may 22 na kama. 


Magtatayo rin ng modular facility sa Southern Medical Center, Las PiƱas General Hospital, V. Luna Medical Hospital, Ospital ng Maynila, at Pasig City General Hospital. 


Binuksan din ang 52 bed facility sa San Juan para sa mga asymptomatic at mild COVID-19 patients - na ikaapat sa siyudad. 


May emergency hiring na rin ang DOH na 10,500 health workers kung saan 3,500 ang ilalaan sa Metro Manila. 


Hirit naman ng Alliance of Health Workers (AHW), ibigay na rin dapat sa frontline at direct patient care workers ang umano’y libo-libo pang bukas na plantilla position sa DOH. 


"Sinabi nga natin sa ating Department of Health, kay Sec Duque, na i-convert ito ng mga health workers ng direct patient care para 'yung mga health workers natin na mga contractuals ay automatic sana magkaroon ng security of tenure," ani AHW President Robert Mendoza. 


-- Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/04/30/21/pagdadagdag-critical-care-facilities-covid-19-umarangkada

No comments:

Post a Comment