Friday, April 30, 2021

Carpio hinamon si Duterte: Aminin ang totoo ukol sa West PH Sea

Muling nagkasagutan sina Pangulong Rodrigo Duterte at si retired Supreme Court senior associate Justice Antonio Carpio hinggil sa isyu ng West Philippine Sea.


Miyerkoles ng gabi, pinatutsadahan ni Duterte si Carpio at sinisi ito sa umano'y pagkawala ng kontrol ng Pilipinas sa karagatang inaangkin ng Tsina.


"If you're bright, why did we lose the West Philippine Sea?" ani Duterte.


Hindi ito pinalampas ni Carpio at sumagot nitong Biyernes.


Pinaalala niya na kahit miyembro siya ng hudikatura noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino, hinimok niya ang administrasyon na ipaglaban ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea na nauwi sa pagkakapanalo ng Pilipinas sa arbitral tribunal noong 2016.


Pero paalala ni Carpio, hindi nga ba si Duterte ang nagsantabi sa naturang tagumpay kapalit ng $22 bilyon na pangakong utang at ayuda ng China.


Pero hanggang ngayon, wala pang 5 porsyento nito ang natutuloy.


Dagdag pa ni Carpio, si Duterte ang nagsabing hindi na magpapatrolya ang Navy sa West Philippine Sea at siya rin ang nakipagkasundo kay Chinese President Xi Jinping na payagan ang Chinese fishermen na mangisda sa karagatan ng Pilipinas.


Binanggit din ni Carpio ang pag-amin ng Pangulo na inutil siya sa pagtatanggol sa West Philippine Sea at ang makailang beses na pagsabi ng Pangulo na hawak na ito ng Tsina, bagay na tinututulan ni Carpio dahil maliit na porsiyento lang umano ng West Philippine Sea ang inokupa ng mga Tsino.


"Shout out to President Duterte that China is not in possession of the West Philippine Sea. Shout out loud so that President Duterte will wake up from his sleep under the kulambo and admit to the nation the truth — that China is not in possession of the West Philippine Sea," ani Carpio.


Noong Huwebes ay pinaliwanag ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario kung tungkol saan ang paninisi ng Pangulo sa dating administrasyon dahil sa pag-atras umano nito ng barko ng Pilipinas kaya naagaw ang Scarborough shoal noong 2012.


"[T]here was an agreement with China in settling an impasse in 2012 which was brokered by the United States. It involved the withdrawal of all ships on both sides by a certain hour... We withdrew our one ship while China deceitfully breached our agreement by not withdrawing their 30 or more ships," ani Del Rosario.


Mungkahi naman ni Carpio ang patuloy na pagpapatrolya ng Navy at Coast Guard sa West Philippine Sea.


"President Duterte cannot really stop the Philippine Navy and Coast Guard from doing their duty under the Constitution. I salute our Navy and Coast Guard for defending our sovereignty and sovereign rights in the West Philippine Sea against all odds," ani Carpio.


Sang-ayon si House national defense and security panel vice chair Rep. Ruffy Biazon sa patuloy na pagpapatrolya sa West Philippine Sea.


"Admittedly naman di natin kaya sa resources na araw-araw ang patrolya at dami ng mga vessel. We have to accept that fact. Pero kinakailangan kung di man natin madaan sa frequency, idaan natin sa consistency. Hindi man araw-araw pero kung tuloy-tuloy tayong maglalayag diyan, ang matitigas na salita natin masusundan ng aksiyon," ani Biazon.


Pero noong Miyerkoles lang, sinabi ni Duterte na hindi niya puwedeng giyerahin ang Tsina dahil sa utang na loob nito sa mga bakuna.


Kaya tingin ni Carpio, ang susunod na administrasyon na ang magpapatuloy ng laban para sa West Philippine Sea.


— Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN


https://news.abs-cbn.com/news/04/30/21/carpio-hinamon-duterte-aminin-totoo-west-ph-sea

No comments:

Post a Comment