Friday, April 30, 2021

Mga Pinoy sa India todo-ingat sa gitna ng COVID-19 crisis

Walang patid pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa India kaya ibayong pag-iingat ang ginagawa ng mga Pinoy doon.


Gaya ni Marthy Bermejo na kasalukuyang work from home mula nang magpatupad ng lockdown sa Bangalore. 


"Pag lumalabas ako, kailagan dala-dalawa ang mask ko, nag-face shield din ako. Ang mga officemate ko ganoon din ang ginagawa nila. Mostly sa mga local, hindi mo makikita sa kanila 'yan kasi they are not-well informed kumbaga," ani Bermejo.


Kuwento ni Bermejo, naging kampante ang India isang taon mula nang magsimula ang pandemya. 


Bago mangyari ang second wave ng mga kaso, pinayagan ang mga religious at political events sa India. 


"Hindi nila na-anticipate ito eh, kasi festival 'tsaka one year from lockdown, one year from coronavirus bumaba naman ang mga cases nila but unfortunately ang second wave na sinasabi nila hindi na-anticipate, naging kalma sila, hindi nila napaghandaan," ani Bermejo.


Gayunman, mahalaga ayon kay Bermejo ang hindi mag-panic at gawin ang kaukulang pag-iingat. Nagparehistro na rin siya para magpabakuna sa kompanyang pinapasukan. 


Nitong Biyernes, umabot sa higit 386,000 ang mga bagong kaso ng COVID-19 habang halos 3,500 ang bilang ng nasawi. 


Tatlong araw na magsasara ang mga vaccination center sa Mumbai dahil kapos ang supply ng bakuna. 


Sa kabila nito, tuloy ang buhos ng tulong mula sa ibang bansa. 


Dumating mula UAE ang mga ventilator at oxygen masks. 


Dumating din ang mga oxygen cylinder na ipinadala ng pamahalaan ng Thailand at mga relief supply mula Amerika. 


—Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News 


https://news.abs-cbn.com/news/04/30/21/pinoy-india-todo-ingat-covid-19-crisis

No comments:

Post a Comment