Friday, April 30, 2021

Libreng Ivermectin, walang reseta? Sino ang dapat managot kung may adverse effect

Sino ang dapat managot sakaling magkaroon ng adverse effect ang mga taong nakatanggap ng anti-parasite drug na ivermectin na ipinamigay ng libre sa Quezon City?


Para kay Dr. Maricar Limpin, vice president ng Philippine College of Physicians, dapat managot ang mga doktor, mambabatas at maging ang Food and Drug Administration (FDA) sakaling magkasakit ang mga tao dahil sa Ivermectin lalo na't ipinamigay ito na walang tamang reseta. 


“Sino ang hahabulin ng tao kung magkakaroon ng problema? I think kung pumapayag ang FDA, then they should also be held accountable kasi pinayagan nila. Definitely, 'yung dalawang congressman who are involved here kasi sila ang nag initiate together with the doctors who are there, they should be held accountable for whatever problems na maaaring mangyari because of that particular activity,” aniya sa panayam sa TeleRadyo.


Kinwestiyon din ni Limpin bakit walang pangalan, license number at pirma ng doktor ang mga reseta na ginamit umano sa pamimigay ng libreng ivermectin sa Quezon City nitong Huwebes. 


"Pag may kulang dito may problema ho sino ang mananagot kung may mangyari doon sa mga tao. Sina congressman [Mike] Defensor ba o congressman [Rodante] Marcoleta ba o 'yung mga doctor na naroroon? In the end, whatever happens to the patient there should be someone accountable and the one who is more accountable ay 'yung mga doctor na nagpeprescribe nung gamot na 'yan," aniya.


Nanguna si Anakalusugan Rep. Mike Defensor at at Sagip Rep. Rodante Marcoleta sa pamimigay ng libreng ivermectin sa higit 35 residente ng Barangay Matandang Balara, Quezon City nitong Huwebes.


Bago binigyan ng gamot ang mga residente, pinapirma muna sila ng ivermectin request form na nagsasabing sumasang-ayon sila na makatanggap nito habang batid nila ang ang posibleng epekto nito sa kalusugan.


Tinatanggalan din nila ng anumang responsibilidad, o posibilidad na makasuhan ang nagbigay sa kanila ng ivermectin.


Pero ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ang pagpirma sa waiver ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng criminal liability kung mapapatunayan na may pananagutan ang isang tao o grupo.


Ayon kay Limpin, ang naturang gamot na hindi pa rehistrado ay dapat lamang gamitin sa mga ospital na nabigyan ng compassionate special permit mula sa FDA.


“Kung ang kumuha ng approval for compassionate use ay 'yung mga hospitals, that means 'yung gamot gagamitin doon sa ospital. Dapat kung gagamitin katulad sa Quezon City, I think the more appropriate, this is my opinion, I do believe that the more appropriate process ay 'yung mga doctor na involve na mamimigay, magpe prescribe ng gamot they should have applied by themselves for approval for compassionate use,” aniya.


Malaki ang paniwala ni Limpin at iba pang health professionals na dapat na hintayin muna ang resulta ng clinical trials sa naturang gamot bago ito gamitin bilang treament para sa COVID-19.


https://news.abs-cbn.com/news/04/30/21/libreng-ivermectin-walang-reseta-sino-ang-dapat-managot-kung-may-adverse-effect

No comments:

Post a Comment