Friday, April 30, 2021

Mga manggagawa, grupo sanib-puwersa sa lansangan sa Labor Day 2021


Lulusob sa lansangan ang mga manggagawa at sari-saring labor groups sa Sabado para gunitain ang Labor Day at iprotesta ang anila'y hindi sapat na alalay sa mga trabahanteng Pinoy. 


Liwasang Bonifacio sa Maynila ang napiling venue ng Kilusang Mayo Uno, sa Mendiola ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino, at People Power Monument naman ang Nagkaisa Labor Coalition.


Pero sa hapon, magsasanib-puwersa ang lahat sa isang online rally.

    

Ang panawagan nila ay trabaho, ayuda, bakuna, karapatan at kasarinlan.


"Hindi bababa sa 20 milyon ang naapektuhan ng mahigit isang taong lockdown sa iba’t ibang kaparaanan. Katulad ng mass layoff at retrenchment, extended floating status," ani Nice Coronacio ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa.


"Ang karapatan ng manggagawa ay balewala. Sila'y sinusupil at dinadahas. Ang pangakong wakasan ang ENDO ay nahulog sa presidential veto," ani Rene Magtubo, chairperson ng Partido Manggagawa.


"Hindi lang sinusuko ang West Philippine Sea sa China kundi ang karapatan ng ating mga mangingisda sa kanilang kabuhayan," sabi naman ni Deobel Deocares ng Alliance of General Unions, Institutions and Labor Associations.


Ayon naman sa Department of Labor and Employment, naiintindihan nila ang hinaing ng mga manggagawa.


"Alam ko na napakalaki ang pinagdadaanan nila, ang dami-dami nating mga kababayan na nawalan ng trabaho, merong trabaho pero kulang ang trabaho, meron talaga na wala nang trabaho. Kaya big challenge ito… Pero kahit papano ginagawan namin ng paraan na makarating ang kaunting tulong sa ating mga manggagawa," ani Labor Secretary Silvestre Bello III. 


Nananawagan naman ang grupong Bayan Muna kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag ng isang special session sa Kongreso para maaprubahan agad ang mga panukala para sa P10,000 ayuda at P100 daily wage subsidy.


Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, dahil hindi napigilan ng pamahalaan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, karapatdapat lang ibalik sa mga manggagawa ang nawalang halaga ng sahod, para mabuhay din ang ekonomiya lalo’t ilang trilyong piso na ang inutang ng bansa.


— Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News 


https://news.abs-cbn.com/news/04/30/21/mga-manggagawa-grupo-sanib-puwersa-sa-lansangan-sa-labor-day-2021

No comments:

Post a Comment