Michael Delizo, ABS-CBN News
Napili ng Vatican ang Antipolo Cathedral bilang isa sa mga Marian sanctuaries na lalahok sa 30 araw na prayer marathon para ipanalangin ang pagwawakas ng pandemya.
Isasagawa ang sabayang panalangin sa buong buwan ng Mayo, alas-6 ng gabi, oras sa Roma; o alas-12 ng hatinggabi, oras sa Pilipinas.
Ibo-broadcast ng Vatican media ang panalangin.
“During each day of May, guided by a calendar with specific intentions, all the Shrines around the world, united in a communion of supplication, will lift up their prayers, which, like the fragrance of incense, will rise up to heaven,” ayon sa liturgical guide na inilathala ng Pontifical Council for Promotion of the New Evangelization.
“Thirty Marian Shrines will take turns leading this prayer throughout the Church and offering the faithful a series of prayer moments for them to participate throughout the entire day.”
Naatasan ang Antipolo Cathedral na manalangin ng Holy Rosary para sa intensyon ng lahat ng pamilya.
Itinuturing ng Simbahang Katolika ang buwan ng Mayo bilang Buwan ni Maria.
Ayon kay Fr. Nante Tolentino, rector ng National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage, isang biyaya na mapabilang ang Simbahan ng Antipolo sa dami ng mga Marian shrine sa buong mundo.
“Napakahalaga nito at ito’y blessing para sa ating mga Pilipino. Alam naman natin, napakaraming mga international shrines, national shrines, diocesan shrines sa buong mundo. At 30 shrines lang ‘yung kailangan ni Pope Francis para makasama niya sa marathon rosary na ito,” saad ni Tolentino sa panayam ng ABS-CBN News Huwebes.
Sabi ni Tolentino, mahalagang lumahok ang komunidad sa panalangin ng mga simbahan para ipahayag ang nagkakaisang hiling ngayong higit isang taon na ang pandemya.
“Simula nang magkaroon ng pandemic, nakita ‘yung importansya na tayo’y magkaisa at magsama-sama. Hindi lang sa pagi-ingat, hindi lang sa pagsugpo sa pandemic; kundi higit sa lahat, sa pagdarasal sa Panginoon, sa tulong ng Mahal na Birhen kasi lahat tayo apektado,” ani Tolentino
No comments:
Post a Comment