Joyce Balancio, ABS-CBN News
Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na siya magpapabukuna kontra COVID-19.
Sa kaniyang naging public address Lunes ng gabi, sinabi niyang handa siyang ibigay na lang sa iba ang bakuna na dapat ilaan sa kaniya.
Taliwas ito sa mga una na niyang sinabi noon na handa siyang unang mabakunahan at mapag-eksperimentuhan ng bakuna kontra COVID-19.
Kalaunan binawi rin niya ito at sinabi naman niyang kung babakunahan siya ay sa huli na lang ng pila.
Ani Duterte: "Ako magwe-waive ako, magwe-waive ako, kasi 70 and above . . . Sa 70 and above ano ang makuha mo na dream, dream of what? Living until kingdom come? Ako mag-waive ako, kung sino gusto sa slot ko ibigay ko. Wala ako masyado, ako masyado, sa ano... I am not fatalistic actually na kung panahon ko na, if its COVID or ebola o disgrasya, wala ako illusion about life and death if anyone wants to have it, they can have it."
Dagdag pa ni Duterte, mas mabuting ibigay na lang aniya ang bakuna sa taong marami pang magagawa para sa bayan.
"Ang unahin natin iyong mabubuhay pa. Come to think of it, ang unahin natin iyong medyo 'pag nabigyan ng vaccine there is a chance that he would live, and live productively . . . Wala kami masyado maibigay sa ating bayan, sa edad namin," aniya.
Samantala, nagbigay naman ng ulat si Food and Drug Administration Director General Eric Domingo sa status ng mga bakuna sa bansa.
Pinoproseso pa rin aniya ang emergency use authorization application ng Barrat Biotech at ng Janssen para sa kanilang mga bakuna, habang hinihintay naman ang pagsusumite ng application ng Moderna at Novavax vaccines.
No comments:
Post a Comment