Tuesday, April 13, 2021

Private hospitals group nagbabala kontra 'upcasing' para sa PhilHealth benefit

Tiniyak ngayong Martes ng isang samahan ng mga pribadong ospital na hindi nila kukunsintihin ang kanilang mga miyembro na mapatutunayang nakikipagsabwatan sa mga pasyente para makakuha ng mas malaking benepisyo sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).


Ayon kay Private Hospital Association of the Philippines (PHAPI) President Dr. Jose Rene de Grano, sa ngayo'y wala pang napapaulat sa kanilang mga miyembrong ospital na sangkot sa "upcasing" para sa mga benepisyo ng PhilHealth.


Naniniwala si De Grano na mahirap gawin ang pamemeke ng mga dokumento o requirements para lamang makakuha ng mas malaking benepisyo sa PhilHealth.


"Medyo mahirap gawin 'yon ano, because in the first place, itong mga gumagawa ng RT-PCR test are accredited laboratories. They cannot just falsify 'yong medical certificate na 'yan," ani De Grano sa isang panayam.


Bago nito, nauna nang umapela ang PhilHealth sa publiko na i-report sa kanila ang mga insidente ng upcasing.


Sa ilalim ng upcasing, nakikipagsabwatan ang health care provider sa pasyente na may minor respiratory symptoms, gaya ng hika, para palabasing may COVID-19 ito at makakuha ng mas malaking PhilHealth benefit.


Handa umano ang PHAPI na panagutin ang miyembrong ospital nila kapag napatunayang sangkot sa ganoong gawain.


"Initially, we'll have to investigate on it kung totoo bang nangyari 'yon... Kung proven na talagang ginawa 'yon, ang pinaka-sanction diyan, maalis sila sa membership ng aming organization," ani De Grano.


Iniutos nitong gabi ng Lunes ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ahensiya ng pamahalaan na huwag magtipid kung ang paglalaanan ng pondo ay para sa COVID-19 response.


https://news.abs-cbn.com/news/04/13/21/private-hospitals-group-nagbabala-kontra-upcasing-para-sa-philhealth-benefit

No comments:

Post a Comment