Malaki ang paniwala ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi magkakaroon ng negatibong epekto sa labor relations ng Pilipinas at China ang tensyon sa West Philippine Sea.
“Sa palagay ko hindi makakaapekto 'yan sa labor relations natin because notwithstanding what is happening in the West Philippine Sea, nakatanggap pa rin tayo ng communication from them that they are willing to finalize our bilateral labor agreement with them,” ayon kay Bello.
Ito'y sa gitna ng hindi pa rin pag-alis ng Chinese ships sa West Philippine Sea, ang exclusive economic zone ng Pilipinas sa South China Sea na inaangkin ng Tsina ang halos kabuuan.
Nitong Lunes, ipinatawag ng Pilipinas ang Chinese ambassador sa bansa at sinabing dapat umalis na ang lahat ng mga barko sa Julian Felipe Reef. Nauna na ring naglabas ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa Tsina dahil dito.
Sa panayam sa TeleRadyo Martes ng umaga, sinabi ni Bello na magkakaroon ng bilateral agreement ang Pilipinas sa Tsina, at sa katunayan ay magbubukas din ng tatlong Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa nasabing bansa.
“They are asking us already to put up our POLOs and we are already [in] the process of putting one in Beijing, in Shanghai, and in Shenzhen,” sabi ni Bello.
Ang pagbubukas aniya ng mga POLO sa ibang bansa ay indikasyon na mayroong trabaho para sa mga Filipino worker doon.
Isa umano sa trabahong inaasahang madeploy doon ay mga English teacher.
“They are asking for our English teachers. Ang daming teachers. Saka 'yung musicians natin, mga entertainers are very popular in China,” saad ni Bello.
Nasa $US3,000 umano ang inaasahang sahod ng mga English teacher sa China.
No comments:
Post a Comment