Tuesday, April 13, 2021

500 Years of Christianity: 100 tao bininyagan bilang Katoliko sa Cebu

 Nasa 100 tao ang nabinyagan bilang mga Katoliko ngayong Martes, ikatlong araw ng triduum, sa The National Shrine ng Our Lady of the Rule sa Lapu-Lapu City, Cebu.


Ang triduum ang paghahanda para sa paggunita sa kauna-unahang binyag na nangyari sa Cebu 500 taon na ang nakalilipas.


Kasama sa mga nabinyagan ang 7 kasapi ng pamilya Magpantay.


Ayon sa inang si Rosemarie, matagal na niyang gustong maging Katoliko at natutuwa siyang matupad ito kasabay ng pagdiriwang ng 500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas.


Lahat ng mga nabinyagan ay may edad 20 pataas.


Sinabihan ni Bishop Patrick Parcon ang mga nabinyagan na sila ay mga anak ng Diyos na dapat mahalin at irespeto, at walang sino man ang dapat sumira sa kanilang mga karapatan.


Masaya si Parcon na makabalik sa The National Shrine ng Our Lady of the Rule dahil doon aniya siya nabinyagan 58 taon na ang nakalilipas.


Noong Linggo, unang araw ng triduum, bininyagan ang 100 sanggol sa Cebu City, habang nitong Lunes ay 100 ang nagpakumpil sa Mandaue City.


Sa Miyerkoles nakatakda ang reenactment ng kauna-unahang binyag ng mga Pilipino. Pangungunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Charles Brown ang misa rito.


-- Ulat ni Vilma Andales


https://news.abs-cbn.com/news/04/13/21/500-years-of-christianity-100-tao-bininyagan-bilang-katoliko-sa-cebu

No comments:

Post a Comment