Nasa critical level na ang occupancy rate ng mga ospital sa Oriental Mindoro dahil sa mabilis na pagkalat ng COVID-19 sa lalawigan, ayon sa gobernador ng probinsiya nitong Lunes.
Ani Oriental Mindoro Gov. Humerlito Dolor, nakapasok na sa kaniyang lalawigan ang UK variant ng COVID-19,
"Ang atin pong ICU bed ngayon, halos puno na. Noong isang linggo po 92 percent, ang isolation bed natin 90 percent okupado na, kung hindi natin mapapababa ito patuloy itong mapapuno," ani Dolor.
"Hindi lang po COVID-19 cases ang kailangang ipasok sa ICU. Marami po tayong may sakit na kababayan, inatake sa puso, mga dina-dialysis, mga critical, mga taong naaksidente. At kung hindi natin iiwasan ang patuloy na pagtaas ng COVID-19 sa ating lalawigan, mapupuno ang ating mga ospital."
Base sa opisyal na tala, higit may 300 aktibong kaso ng COVID-19 ang Oriental Mindoro bagama’t ito ay unti-unti nang bumababa. Ang lungsod ng Calapan ang may pinakamaraming bilang na nasa higit 100 kaso.
Higit 1,600 na mga cartridge mula sa DOH ang inaasahang darating para magamit sa sa COVID-19 testing pero maaantala ang pagte-test dahil tatlong personnel na naka-assign sa laboratory ay nagpositibo rin sa naturang sakit.
Dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, iniutos ni Dolor ang paghihigpit sa pagpasok sa Oriental Mindoro. Lahat ng uuwi sa lalawigan ay dapat kumuha ng travel coordination pass sa mga bayan at lungsod na uuwian.
Ang travel pass ang siyang ipapakita din sa pier ng Batangas at Calapan.
Pagdating sa bayang uuwian, kailangan sumailalim sa anti-gen test pero hindi na kailangan nito kung may maipapakitang negative result ng RT-PCR test.
Lahat ng mga turista mula sa"NCR Plus" at mga lugar na may COVID-19 variant ay bawal pumasok sa Oriental Mindoro, maliban kung may RT-PCR test negative result ang mga ito.
Mahigpit ding ipinatutupad sa lalawigan ang curfew mula 10 p.m. hanggang 4 a.m.
https://news.abs-cbn.com/news/04/13/21/mga-ospital-sa-oriental-mindoro-nasa-critical-level-na-ayon-sa-gobernador
No comments:
Post a Comment