Tuesday, April 13, 2021

PSA: Nakatapos sa Step 1 ng National ID registration, umabot na sa 28M

Umabot na sa 28 milyon ang mga taong nakapagrehistro na para sa step 1 ng pagkuha ng National ID, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).


“Umabot na kami ng 28 million pero ito po ay para sa tinatawag naming Step 1. 'Yung Step 1, ito 'yung pagkuha ng demographic characteristics, pag-schedule kung kailan ka pupunta sa isang registration center para sa biometric capture. Meron pang Step 2 na kailangang pagdaanan 'yung ating 28 milion,” pahayag ni PSA Assistant Secretary Rosalinda Bautista.


Sa panayam sa TeleRadyo Martes ng umaga, sinabi ni Bautista na kasama na sa 28 milyon ang Metro Manila. Isa rin aniya sa malaking hamon nila ngayong pandemya ay ang pag-capture ng biometrics ng mga nagpapa-register.


“Nag-slowdown kami simula nitong Holy Week while we are actually ramping up doon sa gamit ng aming registration kit. Ibig sabihin magbubukas kami ng more registration centers, nagkaroon naman po kami ng challenge na may mga LGUs na naintindihan naman namin kung bakit kailangang magkaroon ng suspension sa mga operations ng regisration centers dahil hindi ok ang situation ng COVID,” sabi niya.


Ngayong buwan din aniya ay mag-uumpisa sila ng institutional registration kung saan sila mismo ang pupunta sa mga private at government institution para magrehistro.


“Pag nagkakaroon ng lockdown, ginagamit namin ito para hindi masayang 'yung panahon para magparehistro. Dahil bawal lumabas, nakikipagusap kami sa mga institution para magawan sila ng schedule. ito pong NCR, nag push forward kami ng kanilang schedule so beginning April 18 meron na po kaming tinitingnan sa Pateros o sa Muntinlupa ay magkakaroon na po ng registration."


Layon ng National ID na mapadali ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko at mabigyan ng pagkakataon ang mga low-income families na makapag-bukas din ng kanilang mga account sa bangko.


“Aside from opening a bank account, isa pang vision sa National ID ay para po mapadali ang mga transaction sa gobyerno nung may ID. Kagaya ngayon, maaaring nahuli kami para sa distribution ng ayuda, makakatulong ang National ID. Pero ini-expect namin na pagka ang gobyerno natin ay naka synchronize na lahat ng ID, pag ikaw tumanggap ng ayuda hindi makakatanggap ulit ng panibagong ayuda sa iba pang lugar dahil identified. Ito na po ang gagamitin natin na single ID na recognized by all government agencies,” paliwanag niya.


Target ng PSA na makapagrehistro ng 70 milyong katao para sa taong ito.


“Malaking budget ang kakailanganin para magawa namin ang 70M, alam naman natin ngayon ang pangangailangan ng resources ng atin gobyerno pero kung di po namin maabot ang 70M, siguro maabot po namin ang 50M,” sabi niya.


https://news.abs-cbn.com/news/04/13/21/psa-nakatapos-sa-step-1-ng-national-id-registration-umabot-na-sa-28m

No comments:

Post a Comment