Inis na inis si Jessa Gonowon dahil sa loob lamang ng dalawang araw ay ilang beses na siyang na-tag sa mga malisyosong post sa Facebook.
Excited umano siya lagi na magbukas ng notification. Ngunit imbes na larawan o post mula sa kaibigan, malalaswang larawan at video lang ang tumatambad sa kaniya.
"Nagulat ako kasi hindi naman 'yun 'yung usual na nakikita natin sa social media accounts natin most especially sa Facebook," ani Gonowon.
Maging ang social media manager na si Doddie Householder ay nabiktima rin.
"I was so disgusted, nakakainis like ang aga-aga, you are trying to work then you receive a notification na na-tag ka, akala mo kaibigan mo, hindi mo pala kaibigan," ani Householder.
Kasama sina Householder at Gonowon sa mga nakatanggap ng mga malisyosong link kapag nagbubukas sa social media site.
Paliwanag ng technology editor at cyber security analyst na si Art Samaniego, isang uri ng malware o malicious software ang dahilan ng mga malisyosong tag.
"Ang mangyayari kapag clinick mo 'to, dadalhin ka niya sa isang website kung saan magpe-present siya sa iyo ng isang maikling clip pagkatapos titigil siya at sasabihing kung gusto mong magpatuloy dapat i-download mo yung update, kasi hindi updated ang flash player mo," ani Samaniego,
Kapag na-click, dito na umano nagsisimula ang problema.
"Ang gagawin nito, masasama para sa computer mo, para sa device mo, at para sa iyo. Ano ang puwede niyang gawin, sirain ang computer mo, kopyahin ang laman ng computer mo, nakawin ang identity mo," ani Samaniego.
"Pagkatapos noon gagapangin niya 'yung Facebook mo. Ang gagawin niya: ite-take over niya ang Facebook mo, papadalhan niya ng same content na nare-receive mo 'yung mga kaibigan mo," dagdag niya.
Maaaring gawin ang mga sumusunod:
Magtungo sa Facebook account "Settings and Privacy."
I-click ang "setting," at "notification setting."
Sa "notifications you receive" section, piliin ang tags, at magtungo sa "Get notifications when you're tagged for."
Piliin ang "Friends" button.
Para matanggal ang tag, gawin ang mga sumusunod;
Pumunta sa "more" section ng post.
Piliin ang "give feedback" o i-report ang comment.
Piliin ang spam.
I-click ang "next."
I-click ang "remove tag."
Nagpaalala naman ang Department of Information and Communications Technology na mag-ingat sa pag-click ng mga pinaikling link, huwag basta mag-click ng tag o post na galing sa mga kaibigan dahil maaaring hacked ang account.
Nagpayo rin ang DICT na i-report ang mga malisyosong post sa Facebook.
Ayon naman sa Office of Cybercrime ng Department of Justice, nakikipag-ugnayan na sila sa Facebook na agad umanong aksyunan ito at alisin ang malisyosong link.
Nag-iimbestiga na rin ang Facebook ngunit tiniyak nila na walang piling users ang tina-target sa scam.
Nagbabala rin ang DOH sa mga nasa likod nito na maaari silang managot sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Payo pa ni Samaniego: "Best practice lang sa internet kung ano ang puwede nating gawin, basta lahat ng mga ganito, dapat mag-ingat tayo. Unsolicited messages kahit sa kaibigan mo pa, mag-ingat ka."
— Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News
No comments:
Post a Comment