Thursday, April 22, 2021

House-to-house na pagbabakuna vs COVID-19 umarangkada sa ilang LGU

Apat na taon nang bedridden ang 65 taong gulang na asawa ni Danny Felomino matapos itong ma-stroke. 


Gusto na sana niyang pabakunahan ang misis para may proteksiyon laban sa COVID-19 pero problema nila ang pagpunta sa vaccination sites sa Imus City, Cavite kung saan sila nakatira.


Kaya laking pasasalamat niya nang dumating ang mga taga-City Health Office na nagturok ng bakuna sa kanyang asawa. Maging si Felomino nagpabakuna na rin.


"May pasyente pa akong inaalagaan kaya mahirap maglabas-labas, mas okay 'yung bahay-bahay lalo na sa mga senior," sabi ni Felomino.


Isa ang Imus City sa mga LGU na may house-to-house vaccination program. 


Kailangan lamang makipag-ugnayan ng mga senior citizen sa kanila para sa schedule ng pagpunta sa bahay.


Bukod sa mga vaccination sites at house-to-house, puwede rin ang drive-through kung may sasakyan at doon na rin sila tuturukan ng bakuna.


Nasa higit 10,000 na ang nabakunahan sa buong Imus pero naantala ang vaccination dahil sa paubos na suplay.


House-to-house na rin ang pagbabakuna sa Quezon City para sa mga bedridden, cancer at stroke patients.


—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News 


https://news.abs-cbn.com/news/04/22/21/house-to-house-pagbabakuna-covid-19-umarangkada-ilang-lgu

No comments:

Post a Comment