Thursday, April 22, 2021

Data privacy law 'posibleng' nalabag sa profiling ng communiy pantry organizers: DOJ

Johnson Manabat, ABS-CBN News


Sa pagtatanong ng mga pulis ng detalye sa mga taong nagtayo ng iba't-ibang community pantry sa bansa, maaaring mayroon silang nalabag na probisyon sa Data Privacy Law, ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra.


Ayon kay Guevarra, depende ito kung anong personal na impormasyon ang nakuha ng mga awtoridad mula sa organizers.


"Possibly the data privacy law, depending on the kind of personal data obtained without the consent of the person concerned, and the purpose for which the data was obtained," sinabi ni Guevarra. 


Sabi ni Guevarra, maaari namang magsampa ng reklamo ang sinumang community pantry organizer o indibidwal kung sa kanilang paniwala ay may nalabag sa kanilang mga karapatan. 


"If it’s a criminal complaint, sa prosecutor’s office. If a civil complaint for injunction and damages, directly sa court. If administrative complaint, sa PNP/DILG or AFP, as the case may be," ani Guevarra.


 'WALANG NILALABAG NA BATAS'


Samantala, naniniwala naman ni Integrated Bar of the Philippines (IBP) Presidente Domingo Cayosa na walang paglabag sa batas ang mga nagnanais lamang na magpakain ng mga nagugutom sa gitna ng pandemya, tulad ng mga nagpapasimuno ng community pantries.


"No law is violated when one feeds the hungry and helps the needy survive in this pandemic. Community pantries should be praised, not profiled; replicated, not red-tagged; supported, not stopped," sinabi ni Cayosa.


Sa hiwalay na panayam ng TeleRadyo, binigyang diin din ni Cayosa na walang obligasyon ang organizers ng community pantry na sagutan ang ano mang form na ibibigay sa kanila ng mga awtoridad.


Maaari naman anyang mag-usisa ang mga awtoridad sa mga aktibidad ng community pantry subalit hindi sa puntong kukunin pati ang personal na impormasyon ng mga nasa likod nito.


"Kinakailangan na yung pulis ang magpaliwanag kung meron ba siyang basehan... Eh [kung] wala naman, so huwag nilang sagutin. Ang problema kasi ay natatakot yung taumbayan tuloy, pati na rin yung gustong makinabang don sa kawang-gawa na ito," sabi ni Cayosa.


Maaalalang ni-red tag ng Quezon City Police District ang organizers ng Maginhawa community pantry, pero kalaunan ay nag-sorry rin sa kanilang ginawa. 


Ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ay patuloy ang pagdadawit sa mga organizers sa komunismo. 


https://news.abs-cbn.com/news/04/22/21/data-privacy-law-posibleng-nalabag-sa-profiling-ng-communiy-pantry-organizers-doj

No comments:

Post a Comment