Thursday, April 22, 2021

Kaanak ng mga napaslang sa 'Bloody Sunday' nakipagpulong sa DOJ

Sa kauna-unahang pagkakataon matapos mangyari ang tinaguriang "Bloody Sunday" noong Marso kung saan 9 aktibista ang pinaslang sa Southern Tagalog, nakipagpulong nitong Miyerkoles si Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra sa mga kaanak ng mga biktima. 


Ayon kay Guevarra, ginawa ang pulong base sa hiling ng mga kamag-anak ng mga biktima.

 

Nagpahayag ng matinding pagdadalamhati ang mga naulila ng mga biktima sa sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay, ayon kay Guevarra.


Ipinaliwanag naman ng kalihim kung ano ang itinatakbo ng imbestigasyon ng AO 35 task force o ang inter-agency panel na layong imbestigahan ang mga extrajudicial killings. 


Tiniyak ni Guevarra sa mga naulila na gagawin nito ang lahat ng kanilang makakaya para alamin ang katotohanan sa pangyayari.


Ayon naman kay Bagong Alyasang Makabayan (BAYAN) Secretary General Renato Reyes, maganda ang naging resulta ng unang meeting kay Guevarra.


Nilinaw aniya sa naturang pulong ang proseso ng imbestigasyon gayundin ang partisipasyon ng mga testigo sa kaso. 


"We found the meeting very encouraging as the process of investigation as well as the participation of witnesses were clarified. We will continue to seek justice for those who were killed and unjustly detained," ani Reyes.


Dagdag pa ni Reyes, nangangamba pa rin ang mga survivor at mga testigo sa kaso para sa kanilang kaligtasan dahil sa nagpapatuloy na presensiya ng militar sa kanilang komunidad. 


Marso 7 nang magsagawa ng sabay-sabay na pagsisilbi ng search warrant ang mga awtoridad sa ibat-ibang lugar sa Calabarzon na nauwi sa pagkamatay ng 9 na aktibista.


https://news.abs-cbn.com/news/04/22/21/kaanak-ng-mga-napaslang-sa-bloody-sunday-nakipagpulong-sa-doj

No comments:

Post a Comment