Monday, April 12, 2021

Pinoy boat 'inobserbahan lang, di hinabol' ng China coast guard: AFP-WESCOM Pinoy boat 'inobserbahan lang, di hinabol' ng China coast guard: AFP-WESCOM

Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WESCOM) na hindi naman hinabol ng Chinese vessels ang bangkang Pinoy sa West Philippine Sea na nakuhanan noong isang linggo ng ABS-CBN News.


Sa video ng insidente, nakalagay sa GPS tracking kung gaano kabilis ang takbo ng lantsang Pinoy para umiwas sa China coast guard pero halos 1 oras pa rin itong binuntutan.


Sabi ni AFP Western Command commander Vice Admiral Ramil Roberto Enriquez, inobserbahan lang ng mga Tsino ang Pinoy.


"Kung talagang hinabol kayo no'n, madali niya kayong inabutan... Inoobserbahan lang kayo no'n," aniya. 


Katwiran ni Enriquez, mula 2019, wala pang hinabol na barko ang China coast guard sa Ayungin shoal. Naghinala lang daw marahil ang China coast guard dahil hindi sumagot sa radyo ang kapitan.


"If we follow the dictum of 'flight is an admission of guilt,' bigla kayong umalis eh," dagdag ni Enriquez.


Normal lang din daw ang ganitong kilos ng China coast guard sa West Philippine Sea at nakakalusot naman daw ang mga mangingisda papasok ng Ayungin kung sanay na sila sa kilos ng China.


Pero ayon kay maritime law expert Jay Batongbacal, hindi puwedeng isisi sa Pilipinong crew ang paghabol sa kaniya ng China sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas. 


"Nakakatawa namang isipin na hindi kayo hinabol. Isang oras kayong binuntutan, anong tawag mo doon? Hinabol kayo. Hindi porke di kayo inabutan eh hindi na kayo hinabol... 'Yung pagsita niya ay hindi ito dapat tanggapin, wala siyang karapatang magpatrolya sa lugar na iyan," ani Batongbacal. 


Pero pag-amin ng WESCOM, ito ang unang pagkakataong nagpakita sa liwanag ang mga Houbei type 22 missile attack craft at unang beses na nakitang naglayag papalapit ng mainland Palawan.


"This is the first time, kaya gusto naming malaman 'yung exact locations kung saan nangyari 'yung paghabol sa inyo because this is the first time they have openly showed the Chinese Houbei class east of Ayungin," sabi ni Enriquez. 


Hindi bababa sa 20 minuto hinabol at binuntutan ng missile boat ang pauwing lantsang Pinoy.


—Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News 


https://news.abs-cbn.com/news/04/12/21/pinoy-boat-inobserbahan-di-hinabol-china-coast-guard-afp-wescom

No comments:

Post a Comment