Ilan pang local government unit (LGU) sa Metro Manila ang nagsimula nang magbakuna ng kanilang senior citizens gamit ang COVID-19 vaccines ng Chinese pharmaceutical company na Sinovac.
Pinayagan kamakailan ng gobyerno ang paggamit ng CoronaVac, ang bakunang gawa ng Sinovac, para sa senior citizens dahil ligtas naman umano ito. Mayroon ding kakulangan sa supply ng AstraZeneca vaccines na ginagamit para sa mga matatanda.
Sa Pasay City, bukod sa senior citizens, pati ang mga may comorbidity o iba pang sakit ay binakunahan din ngayong Lunes gamit ang Sinovac vaccines.
Kasama rito ang senior citizen na si Leticia Linsangan, na nag-positibo sa COVID-19 noong Agosto.
"Natakot ako sa una noong magka-COVID kami. Nawalan kami ng pang-amoy 2 araw," kuwento ni Linsangan, na pumila sa Juan Sumulong Elementary School para magpabakuna.
Nagpabakuna rin ang 59 anyos na dialysis patient na si Giordano de Leon.
"Proteksiyon lang, pero dapat ingat pa rin tayo. Face maks, face shield, tuloy-tuloy lang," sabi ni De Leon.
Sa kabuuan, may 14,938 nang nabakunahan sa Pasay City, kasama ang 5,112 na may comorbidities.
Umpisa na rin ng pagbabakuna sa seniors gamit ang Sinovac sa Quezon City at San Juan City.
Sa Quezon City, madalas na nakararanas ng high blood ang mga senior citizen kaya naaantala ang pagbabakuna sa kanila, sabi ng mga doktor at nurse sa mga vaccination site.
Hinihintay muna umanong kumalma o bumaba ang blood pressure ng mga senior bago sila bigyan ng bakuna.
Tuloy-tuloy rin ang pagbabakuna sa senior citizens sa Caloocan at Malabon.
Sa Navotas, binakunahan rin kontra COVID-19 si Mayor Toby Tiangco gamit ang CoronaVac sa San Jose Academy.
Sa kaniyang pahayag, nanawagan si Tiangco sa ibang taga-Navotas na magparehistro na para sa vaccination program.
May 3,618 frontliners, senior citizens at may comorbidities nang naturukan kontra COVID-19 sa Navotas, sabi ni Tiangco.
Umarangkada ang pagbabakuna sa kabila ng pahayag ng pinuno ng China Centers for Disease Control na wala umanong mataas na protection rate ang mga bakunang gawa sa China.
Pero ayon kay Food and Drug Administration Director General Eric Domingo, 100 porsiyentong epektibo naman ang Sinovac vaccine sa severe cases ng COVID-19.
-- May ulat nina Jeck Batallones, Zyann Ambrosio at Jorge Carino, ABS-CBN News
No comments:
Post a Comment