Araw-araw humaharap sa publiko si Kimberly Sandigan, kahera sa isang supermarket, kaya naman natuwa siya nang mabalitaang ang mga tulad niya ay mabibigyan ng prayoridad para sa COVID-19 vaccine.
"Dahil po sa ganitong trabahong ito, araw-araw kong nakakasalamuha iba’t ibang tao at para din po proteksiyon sa sarili ko at pangalawa, po may inuuwian akong 2 bata," sabi ni Sandigan.
Pero ang kasamahang security guard ni Sandigan na si John Michael Acedera ay hindi kumbinsido ukol sa pagbabakuna.
"Wala pa po akong desisyon makapagbakuna," aniya.
Ayon sa gobyerno, matapos bakunahan ang health workers, senior citizens at mga taong may sakit o comorbidities, susunod na ang mga nasa A4 priority group.
"Next is economic sectors that are needed to ensure security, consumer and worker safety, and those working in priority government projects, in particular, itong ating COVID response," paliwanag ni National Economic and Development Authority Undersecretary Rose Edillon.
Ayon sa NEDA, kasama sa sektor ang mga mahihirapang dumistansiya sa ibang tao, lalo't hindi sila sa opisina nagtatrabaho.
Kabilang sa A4 priority group ang mga nagtatrabaho sa commuter transport at frontline government workers kabilang ang pulis, social workers, at jail personnel.
Kasama rin ang mga vendor sa mga palengke at manggagawa sa grocery at supermarket pati mga nagma-manufacture ng pagkain, inumin, gamot at gamit pangmedikal.
Nariyan din ang mga frontliner sa fast food service at iba pang frontliner sa gobyerno at financial services tulad ng mga bangko at money remittance.
Bibigyang prayoridad din ang mga nagtuturo sa mga pangmedikal na educational institution at mga nasa laboratoryo, nagtatrabaho sa mga hotel, mga pari at iba pang religious leader.
Kasama rin ang mga construction worker sa government infrastructure project, security guard sa nasabing mga establisimyento, at overseas Filipino worker na made-deploy sa loob nang 2 buwan.
Ayon kay Edillon, baka mabakunahan na ang mga nasa A4 sa susunod na buwan.
"I think the best case scenario, we can start in May. But it can also be in June," sabi ni Edillon.
Ayon naman kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, dapat naghahanda na rin ang mga ahensiya, kompanya at organisasyong sakop nito.
"Ang mga workers ng A4 just needs to be given by their establishments this certificate of eligibility," ani Vergeire.
"Hinihikayat natin lahat ng sinasabi ni Usec Rose na kasama sa category na yan i-masterlist niyo na ang mga empleyado ninyo," dagdag niya.
Bukod sa certificate of eligibility, hinihikayat din ng gobyerno ang mga kompanya na magkaroon ng maayos na schedule upang hindi magsabay-sabay ang mga empleyado at mabigyan ng sapat na panahon para magpahinga habang nag-oobserba sa posibleng adverse effects.
Mainam din umanong mabigyan ng suporta ng kompanya ang mga empleyado pagdating sa transportasyon papunta sa vaccination sites.
https://news.abs-cbn.com/news/04/12/21/economic-frontliner-susunod-babakunahan-covid-19
No comments:
Post a Comment