Saturday, April 17, 2021

Pinakamarami sa SEA: Bilang ng active COVID-19 cases sa PH pumalo ng 200,000

Pumalo na mahigit 200,000 ang bilang ng mga aktibong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) nitong Sabado, na pinakamarami na umano sa Timog-Silangang Asya. 


Ayon sa datos ng Department of Health (DOH), nasa 203,710 ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19. 


Nasa 11,101 naman ang bilang ng mga bagong kaso, at sumampa na ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa 926,052. 



Aabot naman sa 72 ang bilang ng mga namatay, habang may 799 na bilang na nadagdag na gumaling sa COVID-19. 


Bago matapos ang Abril, inaasahang sasampa na sa isang milyon ang mga tinamaan ng COVID-19 sa bansa. 


Sa pagsusuri ng ABS-CBN Data analytics sa datos, Agosto noong isang taon nang umabot sa 100,000 ang mga nagka-COVID-19, at wala pang isang buwan ay sumampa ito sa 200,000. 


Umabot naman sa 500,000 ang bilang ng mga kaso pagdating ng Enero. Nitong Abril, nasa 900,000 ang bilang ng kaso ng COVID-19. 


Lumilitaw na sa loob lang ng 10 araw ay nakakapagtala ng halos 100,000 bagong kaso dahil noong Abril 5 ay nasa 800,000 lang ang kabuuang kaso ng Pilipinas. 


Samantala, pinarerepaso ni Health Secretary Francisco Duque ang sistema sa pag-update sa bilang ng COVID-19 cases. 


“Dapat huwag mag-aantay ng isang linggo saka magtatanggal ng recovered cases. Sabi ko, dapat araw-araw mayroon kayong tinatanggal kasi alam niyo naman eh may nakakalabas na ng ospital, ng isolation, ng quarantine. Alam mo ang panahon eh,” ani Duque. 


— May ulat ni Job Manahan, ABS-CBN News 


https://news.abs-cbn.com/news/04/17/21/pinakamarami-sa-sea-bilang-ng-active-covid-19-cases-sa-ph-pumalo-ng-200000

No comments:

Post a Comment