Saturday, April 17, 2021

Ilang essential workers sabik, ilan tutol na mabakunahan vs COVID-19

Hati ang opinyon ng ilang economic frontliners ngayong sunod na silang babakunahan kontra coronavirus disease (COVID-19), batay sa inilabas na listahan ng pandemic task force. 


Kasama ang mga kasapi ng grupo na Philippine Amalgamated Supermarkets Associaton sa mga prayoridad na bakunahan, bilang retail frontliners at essential workers na araw-araw humaharap sa mga tao. 


“This is to augment and grow ang consumer confidence at business confidence. I told them, look, in a nutshell, sa dami ng gulo on what can or what can’t be done, you can take it or leave it. But it’s best we all be vaccinated so we reach herd immunity,” ani pinuno ng grupo na si Steven Cua. 



Kasama sa A4 Priority ang mga nasa sumusunod na sektor:


Pampublikong transportasyon 

Mga nagtitinda sa palengke, grocery, at supermarket

Manggagawa sa food, beverage, medical, at pharmaceutical companies

Religious leaders

Security guards

OFW 

Media 

Public at private employees na madalas humarap sa tao


Ang cashier na si Melodie Dag-uman, magkahalo ang emosyon nang malamang kasama sila sa mga babakunahan. 


“May halong excited na kinakabahan. Sa bakuna, sabi may side effects daw po. Much better namang magpabakuna kasi araw-araw kaming nag-eentertain ng mga customer… Noong una, ayaw ko talaga,” ani Dag-uman. 


Desidido rin ang staff sa online services na si Mariz Ecot na magpabakuna. 


“Happy po ako kasi hindi naman lahat mababakunahan kaagad. Mas okay na pinapriority ang frontliners. Kailangan magpabakuna para na rin sa kapwa,” ani Ecot. 


Pero marami rin umanong manggagawa ang may agam-agam sa bakuna. Ang bagger na si Rolando Viana wala umanong tiwala sa bakuna. 



“Mayroon pa akong takot. Meron po kasi akong napanood sa balita na meron pong namatay dahil sa bakuna. Pero di sigurado kung yun talaga ang dahilan. Napagdesisyunan ko talaga na di magpabakuna. Buo na po talaga,” ani Viana. 


Mayroon namang ayaw magpabakuna dahil hindi naniniwala sa COVID-19. 


“Sa akin, hindi ako magpapabakuna kasi pakiramdam ko malusog naman ako araw-araw. Minsan nga nakababa pa ito,” banggit ng fish vendor na si Regina Patindoy, habang tinatanggal ang kaniyang face mask. 


“Hindi ako naniniwala, sa totoo lang. Sa lahi ko, wala pa naman (nagkaka-COVID-19).” 


Dagdag pa ng nagtitinda na si Ving Perez: "Parang ayoko na maniwala eh. Sa balita at diyaryo lang, di naman ako nakakita. Parang ginawa nalang dahilan para bumagsak ang ekonomiya sa mundo."


Paalala ng mga eksperto na totoo ang banta ng COVID-19 at hindi dapat ito balewalain. 


Ayon kay NTF chief implementor at vaccine czar Carlito Galvez Jr., may parating na 1.5 milyong doses ng Sinovac ngayong Abril, at dalawang milyon pa sa Mayo. 


inaasahan din ang 500,000 paunang dose ng Gamaleya vaccine na bahagi ng 10 milyong dose na kontribusyon nito sa Pilipinas. 


Nakatakda ring dumating ang 4 milyong dose ng AstraZeneca bago matapos ang Abril hanggang Mayo, habang inaasahan naman ang pagdating ng 2.4 milyong dose ng Pfizer. 


Posible ring dumating sa susunod na buwan ang Moderna vaccine. Inaasahan na sa Mayo aarangkada ang pagbabakuna sa economic frontliners. 


— Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/04/17/21/ilang-essential-workers-sabik-ilan-tutol-na-mabakunahan-vs-covid-19

No comments:

Post a Comment