Saturday, April 17, 2021

Ilang residente ng QC ibinahagi kung saan ilalaan ang nakuhang ECQ ayuda

Malaking tulong para kay Suzette Andit ang natanggap na P4,000 na ayudang natanggap bunsod ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa National Capital Region (NCR) Plus bubble. 


Pansamantala aniya itong pangtustos sa pangangailangan nilang mag-asawa at tatlong anak, at iba pang gastusin. 


“Inaasahan ko po ito kasi yung bayaran namin ng tubig yung asawa ko nawalan ng trabaho,bayaran ko po ng ilaw tsaka tubig kaya natuwa rin ako na may binigay yung gobyerno,” ani Andit. 



Malaking tulong din sa dating jeepney driver na si Celso Adobas ang P3,000 ayuda na ilalaan para sa kaniyang pamilya. 


“Sa mga apo ko. Kailangan ng mga apo kasi yung mga magulang nila walang trabaho,” ani Adobas. 


Umarangkada ang pamamahagi ng cash assistance sa Barangay Bahay Toro sa Quezon City. 


Nakahiwalay ang verification area sa payout area para maging maayos ang pila. 


Mahigpit ding nagbabantay ang mga awtoridad para matiyak na nasusunod ang physical distancing. Naantala nang ilang linggo ang pamamahagi ng ayuda sa barangay dahil sa sunog na nangyari sa kanilang lugar. 


Pero mas nakapaglatag naman daw sila ng plano para mas maging maayos ang pamamahagi ng ayuda. 


“Napag-aralan namin, nakipag usap kami sa ating mga kapulisan sa ating LGU ano ba naging problema,” ayon sa barangay chairman na si Dennis Caboboy. 


Aabot sa 18,000 benepisyaryo ang target na mabigyan sa loob ng 11 araw. 


Sa Barangay Matandang Balara, wala nang pila sa huling araw ng pamamahagi ng tulong-pinansiyal. 


— Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/04/17/21/ilang-residente-ng-qc-ibinahagi-kung-saan-ilalaan-ang-nakuhang-ecq-ayuda

No comments:

Post a Comment