Friday, January 19, 2007

Marines vs Sayyaf: 13 patay

CAMP AGUINALDO – Sampung terorista na miyembro ng Abu Sayyaf Group at tatlong kawal ng Philippine Marines ang iniulat na napaslang matapos na muling magpanagupa ang magkabilang panig sa mabundok na bahagi ng Patikul, Sulu kahapon.

Dalawang araw matapos na ma-neutralisa ng military si Abu Sayyaf terror group leader at self-proclaimed spokesman Jainal Antel Sali, alyas "Abu Solaiman" na may $5-milyong reward (P275,000,000).

Ayon kay Marine Spokesman Lt. Col. Ariel Caculitan, noong gabi ng Miyerkules ay idineploy ng Philippine Marines ang mga elemento ng Special Operations Platoon ng 9th Marine Battalion (IB) sa magubat na bahagi ng Barangay Timpook ng nasabing bayan.

Bandang alas-12 ng tanghali kahapon ay nasabat ng mga sundalo ang mga teroristang Abu Sayyaf sa pamumuno ni Radullan Sahiron, alyas Commander Putol sa bisinidad ng Sitio Biti na sakop ng Barangay Timpook na nagresulta sa umaatikabong putukan na tumagal ng ilang oras.

Nang mapawi ang usok ay narekober sa lugar ang bangkay ng sampung terorista at mga armas kung saan ay tatlo rin sa panig ng militar ang nalagas na pansamantalang ‘di tinukoy ang mga pangalan dahilan kailangan pang impormahan ang kanilang pamilya.

Sa kasalukuyan inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga napaslang na Abu Sayyaf at kung kabilang dito si Sahiron.

Magugunita na noong Agosto 1, ay inilunsad ng AFP ang Oplan Ultimatum para durugin ang nalalabing puwersa ng mga terorista at JI terrorist na nagkukuta sa Western Mindanao partikular na sa Sulu.

https://www.philstar.com/probinsiya/2007/01/19/380729/marines-vs-sayyaf-13-patay

No comments:

Post a Comment