Hindi pa rin natitinag at lalong dumarami sa bilang ang mga taong lumalahok sa isinasagawang kilos-protesta sa harap ng EDSA Shrine at maging sa iba’t ibang panig ng bansa na naggigiit sa madaling pagbaba sa puwesto ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa ikatlong araw ng pagkilos, kapansin-pansin na parami nang parami ang mga artista at singer at ibang taga-showbiz na nakikiisa sa panawagan sa pagbibitiw ng Pangulo. Bukod kina Nora Aunor at Cavite Governor Bong Revilla, lumahok sa kilos-protesta sina Pampanga Governor Mark Lapid, Rosanna Roces, Apo Hiking Society, Kuh Ledesma, Pen Medina, Ma. Isabel Lopez, Kris Aquino, Grace Nono at Pinky Marquez.
Hinikayat ni Kuh na hikayatin si Arroyo na magbitiw na.
Umakyat sa mahigit 150,000 kahapon ang nagkakatipun-tipon sa EDSA Shrine bagaman patuloy pa itong nadadagdagan sa pagdaan ng mga araw dahil sa pagdating din ng mga manggagaling mula sa iba’t ibang lalawigan at lungsod.
May binuo ring human chain ang libu-libong anti-Arroyo na nag-umpisa sa Ayala Avenue sa Makati.
"Go to EDSA. Stay at EDSA. Keep watch and pray," pahayag ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales na isa sa leading figures sa naturang kilos-protesta sa kanyang ipinalabas na statement.
Bumuo rin ng human chain ang mga mamamayang nakiisa sa panawagan ng Cardinal.
Samantala, patitindihin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga kilos-protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Sr. Rosanne Mallilin, executive secretary ng CBCP-NASSA, binalangkas na ng mga social action directors at representantes mula sa 34 archdioceses at dioceses ng Simbahang Katoliko na palawigin ang isinasagawang kilos-protesta.
Samantala, pinipigilan umanong makapasok sa Metro Manila ang mga raliyistang mula sa probinsiya at nagnanais na sumali sa Edsa rally .
Ito naman ang inihayag ni Senator-judge Ramon Magsaysay Jr. base sa mga reklamong natatanggap niya mula sa mga taga-lalawigan.
Binalewala naman ng economic manager ni Macapagal-Arroyo ang banta ng mga malalaking business groups na mangunguna umano sa mga protesta sa kalsada laban sa administrasyon. Ayon kay Socio-Economic Planning Secretary Romulo Neri, malabong isakripsiyo ng mga negosyante ang kanilang negosyo kapalit ng protesta. (Ulat nina Jhay Mejias, Ely Saludar, Doris Franche, Rose Tamayo, at Danilo Garcia)
No comments:
Post a Comment