Sunday, April 25, 2021

Sasakyan ng DPWH, pinasabugan ng hinihinalang rebeldeng grupo sa Masbate

 Isang sasakyan ng Deparment of Public Works and Highways (DPWH) ang pinasabugan noong Biyernes ng hinihinalang mga rebelde sa lalawigan ng Masbate, ayon sa mga awtoridad.


Isa sa apat na sakay na mga empleyado ng DPWH sa lalawigan ay sugatan matapos ang pangyayari.


Ayon sa ulat ng Bicol police, tinamaan ng shrapnel ng granada ang sasakyan sa Sitio San Jose, Brgy. Jamorawon sa bayan ng Milagros, alas tres ng hapon nitong Biyernes.

 

Sa mga larawang kuha ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army, kita ang mga butas na tinamo ng sasakyan.


Ayon sa militar, ang nasabing pagpapasabog ay pananakot ng New People's Army sa mga mamamayan at kontraktor ng isinasagawang Road Construction Project sa nasabing lugar upang makapangikil sa pondo ng nasabing proyekto.


Mariing kinokondena ng pinuno ng 2IB na si Lt. Col. Siegfried Felipe Awichen ang nasabing karahasan.


Aniya, paiigtingin pa nila ang kanilang Community Support Program para tulungan ang mga taga-Masbate na umunlad ang kabuhayan. 


Hinihintay pa ang pahayag ng DPWH sa pangyayari.


- Ulat ni Karren Canon


https://news.abs-cbn.com/news/04/25/21/sasakyan-ng-dpwh-pinasabugan-ng-hinihinalang-rebeldeng-grupo-sa-masbate

No comments:

Post a Comment