Nagpalabas ng gag order si National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. laban sa 2 tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para hindi na magbigay ng mga pahayag ang mga ito kaugnay sa mga community pantry.
Sunod-sunod na batikos ang inabot nina NTF-ELCAC spokespersons Lt. General Antonio Parlade Jr. at Lorraine Badoy dahil sa umano'y pagre-red tag o pag-uugnay nila sa mga taong nasa likod ng community pantries sa mga komunistang rebelde.
"Lest it be misunderstood, they will desist (from) making statements on community pantries," sabi ni Esperon, na nagsisilbing vice chair ng NTF-ELCAC.
Kamakailan, nag-post ang social media page ng NTF-ELCAC at Quezon City Police District (QCPD) ng bintang na miyembro ng Communist Party of the Philippines-New people's Army ang organizer ng Maginhawa Community Pantry na si Ana Patricia Non.
Sinabi rin ni Badoy na dapat alamin ng mga donor kung saan napupunta ang tulong o perang ibinibigay nila sa mga community pantry.
Tinawag din ni Parlade na stupido ang mga senador dahil sa panukalang alisan ng budget ang NTF-ELCAC.
Mga senador gigil na sa walang habas na red-tagging ng NTF-ELCAC
Ayon kay Sen. Franklin Drilon, dapat umalis na si Parlade, na hepe rin ng Southern Luzon Command ng militar, sa kaniyang puwesto sa NTF-ELCAC.
Sa ilalim umano ng batas, walang opisyal ng militar ang puwedeng maupo sa posisyon sa gobyerno na laan para sa isang sibilyan.
Dapat din aniyang magsumite ng quarterly report si Parlade kung paano ginastos ng NTF-ELCAC ang P19 bilyon na inilaan para sa anti-insurgency.
Umapela naman si Esperon na huwag tanggalan ng budget ang NTF-ELCAC, na halos nakalaan umano paa sa barangay development program sa pagsugpo sa rebelyon at terorismo.
Samantala, hindi pa nagsusumite ng paliwanag ang QCPD sa ginawang pagre-red tag at profiling sa Maginhawa pantry organizer.
Umapela ang Quezon City People's Law Enforcement Board na makipagtulungan sana ang mga pulis sa imbestigasyon nila.
Muli namang iginiit ng Commission on Human Rights na walang karapatan ang pulisya na kunin ang pribadong impormasyon ng organizers at volunteers ng community pantry.
-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News
No comments:
Post a Comment