Sunday, April 25, 2021

KILALANIN: Ilang nagboboluntaryo sa Maginhawa Community Pantry

Bianca Dava, ABS-CBN News


Hindi lang ang donasyon ang bumubuhos sa community pantry sa Maginhawa, Quezon City dahil marami ring boluntaryo ang naglaan ng kanilang oras para ipakita ang malasakit sa kapuwa.


Kasama rito si Gerry Lirio, construction worker na nawalan ng trabaho ngayong COVID-19 pandemic.


Ayon kay Lirio, alam niya ang pakiramdam na halos walang-wala na kaya gusto niyang makatulong sa iba sa pamamagitan ng pag-volunteer sa pantry na mag-repack.


"Gusto kong makatulong sa nagtayo nito at sa ating mga kababayan," ani Lirio.


"Nasisiyahan ako kasi ang ating mga kababayan, nabibigyan ng kaunting tulong sa pamamagitan ng community pantry," dagdag niya.


Huminto naman muna sa pagtitinda ng gulay si Bob Jaraldes, na volunteer sa pantry mula noong nakaraang linggo.


Tumutulong din siya sa pagbabantay sa pantry at pamamahagi ng donasyon sa ibang pantry sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna at Batangas.


"Tumutok muna ako sa pagtulong sa pantry kasi kailangan ng tao. Masarap tumulong muna eh. Kahit wala kang maitulong sa ibang bagay. Doon nalang sa pagvolunteer, dito sa pagsuporta sa loob," an Jaraldes.


Hindi muna nagbukas ngayong Linggo ang Maginhawa Community Pantry dahil sa paglipat nito sa mas malaking puwesto sa Teachers Village East, Quezon City pero tuloy-tuloy ang pagtanggap nito ng mga donasyon.


Sa kalapit na kalsada naman, mayos ang pila sa community pantry, na tinutukan din ng mga taga-barangay at organizers para iwas-siksikan.


Bukod doon, nagkaroon din ng mobile kitchen.


Dinagsa naman ng mga nanay ang community pantry para sa mga ilaw ng tahanan sa Barangay Old Balara, Quezon City.


Kasama ang mga taga-barangay at Quezon City Task Force Disiplina sa mga nagbantay para mapanatili ang social distancing.


Namahagi rin ng mga pagkain ang United Methodist Church sa kanilang pantry sa Pandacan, Maynila.


Nanguna naman ang riders sa inorganisang pantry sa Baseco.


Sa isa namang resolusyon, hinikayat ng Metro Manila Council ang mga organizer ng mga community pantry na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para matiyak na nasusunod ang safety protocols laban sa COVID-19.


https://news.abs-cbn.com/news/04/25/21/kilalanin-ilang-nagboboluntaryo-sa-maginhawa-community-pantry

No comments:

Post a Comment