Sunday, April 25, 2021

Halal community pantry inilunsad sa Zamboanga City

Isang community pantry na nag-aalok ng libreng pagkaing halal ang inilunsad ng grupo ng mga Muslim doktor sa Zamboanga City.


Lunes nang simulan ang halal pantry sa Barangay Tetuan, na bahagi ng dumaraming bilang ng mga community pantry sa iba-ibang bahagi ng bansa. 


Ayon kay Dr. Abdul Javar Esturco, layon nilang makatulong sa mga kababayan, mapa-Muslim man o Kristiyano, ngayong pandemya lalo't buwan ngayon ng Ramadan.


"Inspired po siya sa growing community pantries all over the country. At ngayon po ay buwan ng Ramadan, kaya encouraged po ang lahat to help out in whatever way they can," ani Esturco.


Mga doktor ang unang nag-ambag para makabili ng mga handa sa pantry. Pero kalaunan ay bumuhos na rin ang mga donasyon mula sa kanilang mga kaibigan at iba pang mga grupo.


Nakipag-tie up din ang mga doktor sa "Kids Who Farm," isang grupo ng mga out-of-school youth na nagtatag ng backyard farm ng mga gulay.


Agad din umanong nakipag-ugnayan ang grupo sa likod ng pantry sa mga pulis at tauhan ng barangay para maiwasang ma-red tag o maiugnay sa mga komunistang rebelde.


Hangad ni Esturco na sana ay umabot pa hanggang Eid al-Fitr, o ang pagtatapos ng isang buwang pag-aayuno, ang kanilang community pantry.


May higit 10 nang community pantry sa Zamboanga City.


-- Ulat ni Queenie Casimiro


https://news.abs-cbn.com/news/04/25/21/halal-community-pantry-inilunsad-sa-zamboanga-city

No comments:

Post a Comment