(UPDATE) Nakapagtala noong Marso ang provincial government ng Pampanga ng P82 milyon koleksiyon sa quarrying industry, ang pinakamataas na halaga ng koleksiyon sa loob nang halos 2 taon.
Ang quarry collection ang local income ng lalawigan mula sa buhangin at graba ng Mt. Pinatubo.
Ang kabuuang kita ng Pampanga sa quarry industry hanggang Marso 2021 ay tumaas sa P1.1 bilyon sa loob nang 20 buwang administrasyon ni Pampanga Governor Dennis Pineda, ayon sa provincial administrator na si Charlie Chua.
Sa bawat truck, nakakakolekta ang kapitolyo ng P150 sand tax, P250 administrative fee, P30 weighing scale fee, bayarin para sa sand at gravel permit, at motor vehicle at heavy equipment accreditation kasama na ang fines and penalties.
Ang 30 porsiyento umanong nakukuha ng kapitolyo sa sand tax ay inilalaan sa kaban ng lalawigan para sa mga programa laban sa COVID-19 at pagpapatupad ng regular na mga programa sa kalusugan, edukasyon, agrikultura, pangkabuhayan, kapaligiran, at imprastruktura.
Nakakakuha naman ng 40 porsiyento ang mga barangay at 30 porsiyento ang mga munisipyo o lungsod na nakakasakop sa mga ito alinsunod sa Local Government Code ng 1991.
Ayon naman kay Romeo Dungca, opisyal ng isang grupo ng mga quarry operator at hauler, tumaas ang demand ng buhangin dahil sa government projects maging ng pribadong sektor na sinasamantala ang dry season.
Sa huling 3 araw ng Marso, umabot sa P6 bilyon ang halaga ng buhanging naibiyahe.
Ayon kay Governor Pineda, malaking tulong din ang pagsunod ng quarry operator at hauler sa mga regulasyon.
"I could not thank them enough for their partnership and cooperation in really turning Mount Pinatubo’s sand a top-earner for the province, their taxes and fees go to good use," ani Pineda.
Taong 1991 nang pumutok ang Pinatubo, na naging dahilan na pagragasa ng lahar sa maraming lugar sa lalawigan.
Delubyo kung ituring ng maraming Kapampangan ang pagsabog ng bulkan pero makalipas ang halos 3 dekada, itinuturing na itong biyaya dahil sa naibigay ng quarry industry sa probinsiya.
— Ulat ni Gracie Rutao
https://news.abs-cbn.com/news/04/25/21/pinsala-noon-biyaya-ngayon-quarry-industry-mula-sa-pinatubo
No comments:
Post a Comment