Monday, April 26, 2021

Mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas pumalo sa higit 1 milyon

 Umabot ngayong Lunes sa lampas 1 milyon ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.


Ang Pilipinas ngayon ang ika-26 na bansa sa mundo na nakapagtala ng higit 1 milyong kaso habang ikalawa sa Southeast Asia.


Ito'y matapos maitala ng Department of Health (DOH) ang 8,929 dagdag na kaso para sa kabuuang 1,006,428.


Sa bilang na iyon, 74,623 ang active cases o nananatiling may sakit.


Umakyat naman sa 914,952 ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa sakit matapos iulat ng DOH ang 11,333 bagong recoveries ngayong Lunes.


Nadagdagan din ng 70 ang bilang ng mga namatay para sa kabuang 16,853.


Samantala, iginiit naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi lang Pilipinas ang nakararanas ng surge o pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 dahil sa mga bagong variant.


Naniniwala rin ang Palasyo na tama ang naging aksiyon ng pamahalaan sa pagharap sa pandemya at pagkontrol sa pagkalat ng sakit.


"Huwag ninyo pong titingnan lamang ang 1 million cases. Unang-una, halos 900,000 na po ang gumaling diyan so mga aktibong cases ay higit-kumulang 100,000," ani Roque.


"So I don't think it is a negative reflection. On the other hand, dahil nga po mayroon tayong world ranking, makikita po natin na we are managing still the new variants rather well," dagdag niya.


Bakit umabot sa 1 milyon?


Mga kakulangan sa health care system, hindi epektibong contact tracing, at maselang pagbabalanse sa kalusugan at ekonomiya ang mga nakikitang dahilan kung bakit umabot sa 1 milyon ang mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.


Isa ang contact tracing sa pinakamahalagang hakbang kontra COVID-19 pero mismong mga doktor ay pinuna ang pagsasagawa nito.


Kadalasan umano'y hindi sapat ang impormasyon na kinukuha ng mga contact tracer para matukoy kung sino-sino pa ang may exposure sa isang positibo sa sakit.


"You want to really trace kung sino ang exposed, pero kung hindi mo kinukuha itong information na ito, what information are we getting? So it becomes futile, that kind of contact tracing," ani Philippine College of Physicians Vice President Dr. Maricar Limpin.


Target sana ay matunton ang 37 contacts ng isang COVID-19 patient pero ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), hindi talaga kakayanin ang ganoon ngayong napakataas ng bilang ng mga nagkakasakit.


"'Yong 1:37 is a pre-surge target. Kumbaga peace time 'yon... 'pag nag-surge ka na, hindi na 'yan realistic," ani DILG Spokesperson Jonathan Malaya.


Sa ngayon, nasa 6 na close contact sa kada taong may COVID-19 ang natutunton ng mga contact tracer.


Para naman kay Dr. Minguita Padilla ng Doctors for Truth and Public Welfare, mas malalim pa sa contact tracing ang dahilan kung bakit tila hindi na nakaahon ang Pilipinas sa problema sa COVID-19.


"Kulang ng unified, cohesive, inspiring leadership... ang nangyayari kasi madalas 'hindi ko kasalanan 'yan,'" ani Padilla.


Ayon naman kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, DOH pa rin ang nangunguna sa pagtugon sa pandemya.


"Sa National Task Force [Against COVID-19]... governance function pero talagang nakikita mo, Health pa rin talaga ang gumagawa ng scientific basis and evidence na ginagamit for polices and protocols and the health sector is very much involved," aniya.


Ayon pa kay Padilla, bagaman sinusubukang balansehin ang ekonomiya at kalusugan, kailangan pa ring manaig ang kapakanan ng publiko.


"Nag-MGCQ (modified general community quarantine) tayo at ang pagkilos ng lahat ng tao, inisip ng tao, 'Ay, okay na kasi MGCQ na tayo.' MGCQ, walang bakuna, so nandoon pa rin ang virus," ani Padilla.


"We just have to have a system," dagdag niya.


Batid naman ng DOH na hindi talaga perpekto ang tugon ng gobyerno.


"Lahat 'yan mayroong room for improvement. Nothing is perfect. Walang kaming perfect na sistema sa ngayon. Wala tayong perfect na response. Sa bawat pillar na mayroon tayo sa ngayon, mayroon tayong angking kakulangan at recognized 'yan ng ating gobyerno," ani Vergeire.


Kung may isang magandang programang naiduot ang biglang pagtaas ng COVID-19 cases, marahil ito ay ang One Hospital Command.


Kahit hirap ang ilang matawagan ang hotline, nakatulong ito para marespondehan ang mga pasyenteng wala nang mapuntahan.


Nakita rin nitong mga nakaraang araw ang pagbaba ng mga kasong naitatala kada araw bunsod ng ilang ipinatupad na hakbang gaya ng mas mahigpit na quarantine status.


Para sa mga doktor, sana'y matuto na ang bansa sa karanasan ng iba na naging maganda ang tugon sa pandemya, lalo't mas maraming Pilipino ang patuloy na nahihirapan.


"We've been in this battle for one year now yet we are seeing a situation that is worse than when it started. Starting nitong March, it's really depressing to see many people dying at wala kaming magawa," ani Limpin.


"Buong mundo itong pandemya. Pero may mga bansa sa Asya na mas maganda ang kalagayan nila dahil mas maaga silang nag-react," ani Padilla.


Tugon naman ni Vergeire, "Ang ating health system, even without the pandemic, hindi siya comparable with the health system of other countries... tuloy-tuloy naman nating sinusubukan na maging mas maayos."


Ayon kay Vergeire, hindi maaaring pamahalaan lang ang tutugon sa pandemya kundi lahat ng sektor ng lipunan.


Enero 30 ng nakaraang taon nang maitala sa bansa ang pinakaunang kaso ng COVID-19, sa isang babaeng galing Wuhan, China, ang lungsod na sinasabing pinagmulan ng virus.


— May ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/04/26/21/kaso-covid-19-pilipinas-pumalo-1-milyon

No comments:

Post a Comment