Friday, April 23, 2021

Pagpapalaganap sa 'bayanihan' nasa likod ng community pantry sa Timor-Leste

Nasa ikatlong araw na ngayong Biyernes ang operasyon ng itinayong community pantry sa Timor-Leste na layuning palaganapin ang kultura ng bayanihan ng mga Pilipino sa naturang bansa ngayong panahon ng pandemya.


Sa panayam sa TeleRadyo Biyernes ng umaga kay Vice Consul Laser Sumagaysay, na-inspire sila sa community pantry sa Pilipinas at naisip nilang gawin din ito doon.


“Gusto ko lang i-qualify po na 'yung community pantry setup po dito sa Timor-Leste, 'yung initiative namin is more on public diplomacy po ang kaniyang angle kasi ang purpose ng initiative is to influence somehow 'yung ating Timorese nationals and to make them understand the Philippine concept ng bayanihan,” ayon kay Sumagaysay.


Nasa 1,500 ang mga Pilipino sa Timor-Leste na karamihan ay nasa sales, mga teachers, construction at religious sector.


Maging ang mga Pilipino ay apektado rin ng COVID lockdown sa nasabing bansa. Sabi ni Sumagaysay, simula pa Abril 2020 ay naka lockdown na ang bansa, sarado ang airport at isinailalim din sa isang taong state of emergency at state of calamity dahil aniya sa pagbaha.


“May mga Pilipino tayo na nawalan ng trabaho. Para sa kanila naman po may separate na relief assistance 'yung embahada. Hindi po 'yung community pantry pero official embassy relief assistance,” sabi niya.


Sa kabila nito, maraming Pilipino rin aniya ang nagdo-donate sa community pantry.


Aminado din si Sumagaysay na hindi madali ang kampanyang ipakilala ang bayanihan sa mga Timorese lalo’t hindi sila sanay dito.


“We are trying to imbibe one of the best practices po ng kulturang Pilipino and somehow po maka-contribute tayo sa Timorese society and hopefully, ma-propagate namin 'yung idea ng bayanihan dito sa Timor-Leste,” sabi niya


https://news.abs-cbn.com/video/news/04/23/21/pagpapalaganap-sa-bayanihan-nasa-likod-ng-community-pantry-sa-timor-leste

No comments:

Post a Comment