Johnson Manabat, ABS-CBN News
Tuloy-tuloy ang pakikipagpulong ng mga ahensiya ng pamahalaan na naglalayong buhayin pa ang ekonomiya ng bansa na pinadapa ng pandemya.
Sa virtual presser ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) nitong Biyernes, inilatag ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga programa nito sa ilalim ng National Employment Recovery Strategy o NERS.
Ang mga naturang ahensya ay kabilang sa Task Group Strategic Communications on Economic Recovery.
Ayon kay Labor Assistant Secretary Dominique Tutay, sa ilalim ng 8 point recovery action plan ng NERS, mayroong panukalang P1.14 trillion na pondo na huhugutin sa budget ng bansa.
Bukod dito, mayroon din daw panukalang P24-bilyon na pondo para sa wage subsidy sa mga manggagawang direktang naapektuhan ng pandemya.
Paliwanag ni Tutay, inaasahang makikinabang sa mga programang ito ang higit 1 milyong manggagawa.
“'Yung 1.4 million beneficiaries ay hindi po 'yung sasabihin natin na employment na make-create, ang ibig sabihin po nung 1.4 million na manggagawa na magbe-benefit po under the NERS, ito po 'yung halimbawa kasama sa wage subsidy, 'yung sa training program po ng TESDA at ng ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan at 'yung mga business establishments po under the DTI," aniya.
Ayon sa opisyal, mas maganda ang naging resulta ng labor force survey noong February kumpara sa January labor force survey at sa average labor force survey ng 2020.
Aminado naman ang DOLE na malaki ang epekto ng muling pagsasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ng Metro Manila, Laguna, Rizal, Cavite, at Bulacan — ang tinaguriang NCR Plus bubble — dahil maraming empleyado ang naapektuhan sa kanilang trabaho.
Tinatayang halos 8,000 hanggang 9,000 manggagawa aniya ang nawawalan ng trabaho kada linggo simula ng mag-MECQ ulit sa NCR Plus bubble.
Nasa 200,000 manggagawa umano ang tinatayang nadagdag sa bilang ng mga unemployed noong Pebrero.
Pero maganda naman ang senyales na nakaka-recover na ulit ang ekonomiya dahil 1.9 milyon ang nagkaroon ng trabaho o nakabalik sa labor market, ayon kay Tutay.
TULONG SA MGA NEGOSYANTE, OFW
Mayroon din naman daw na ayuda at mga programa ang DTI na tutulong sa mga negosyante lalo na sa small and medium enterprises.
Hinikayat ni DTI Director Jerry Clavesillas ang mga returning OFWs na subukan ang pagnenegosyo sa bansa.
“'Yung entrepreneurship development ay mandato po 'yan ng DTI, so kaya in support sa ating employment opportunity ay meron din po ang DTI na corresponding effort para sa ating mga kababayan," ani Clavesillas.
"'Yung mga success cases po natin, mas malaki ang kanilang kinita nung sila po ay naging mga negosyante," dagdag niya.
Sa Mayo 1, kasabay ng paggunita sa Araw ng Paggawa, sinabi ni Tutay na muling magsasagawa ng job fair ang DOLE, pero online raw ito.
No comments:
Post a Comment