Friday, April 23, 2021

Maginhawa community pantry nagsimula nang ilipat sa mas malaking espasyo

Hanggang alas-11 ng umaga lang nagbukas nitong Biyernes ang Maginhawa community pantry sa Quezon City para bigyang daan ang kanilang paglilipat sa mas malaking espasyo.


Matatagpuan ang bagong lugar ng Maginhawa community pantry sa isang parking space ng barangay hall malapit lang sa dati nitong lokasyon.


Ayon kay Ana Patricia Non, founder ng naturang pantry, inubos lang ang ipinamimigay na mga gulay bago sila nagsimulang lumipat.


"Walking distance lang yun dito, sa Maginhawa street pa rin. Ngayon diba isa lang yung pantry, isa lang yung table, so paglipat natin ang mangyayari ay anim yung pantry para mabilis, anim na agad yung yung nake-cater tsaka nakakapag-social distancing tayo," ani Non.


Tinapos lang ng mga volunteer ang kanilang pananghalian bago tumulak at inayos ang lilipatang bagong lugar.


Sa Sabado ay inaasahang magsisimula ang pamimigay ng pagkain sa bago nitong lugar.


May mensahe naman si Non kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa red tagging sa kaniya, partikular na ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na inihambing pa siya kay satanas. 


"Sana protektahan na lang natin yung mga organizers na ito kasi ang goal lang naman namin ay tumulong. At the end of the day it’s about food security and lahat welcome sa community pantry, lahat kahit anong political belief, edad, gender orientation, religion, iba’t-ibang [sektor] nag-unite so wag nating patayin yung tradition na yun," giit ni Non.


Sinimulan ni Non noong isang linggo ang community pantry at ngayon ay kalat na ito sa iba't ibang rehiyon.


Sabi naman ng ilang mambabatas, ang pag-usbong ng community pantries ay senyales ng kapalpakan ng pamahalaan sa pagtugon sa gutom at iba pang problema sa pandemya.


https://news.abs-cbn.com/news/04/23/21/maginhawa-community-pantry-nagsimula-nang-ilipat-sa-mas-malaking-espasyo

No comments:

Post a Comment