Friday, April 23, 2021

Negosyante patay sa pamamaril habang nagja-jogging sa Ilocos Norte

Patay sa pamamaril ang 52-anyos na lalaki sa Barangay Suba sa bayan ng Paoay, Ilocos Norte, Huwebes ng hapon. 


Kinilala ang biktima na si Froilander Agdeppa na presidente ng Disco Owners Association ng Laoag City. 


Ayon sa hepe ng Paoay Police Station na si Police Maj. Eddie Suyat, nagja-jogging si Agdeppa kasama ang kaniyang drayber nang mangyari ang krimen. 


"Habang nagja-jogging siya baba ng MalacaƱang of the North, sa bagong gawa na daan na Paoay Lake Road nang nasundan siya ng mga salarin tapos pinagbabaril na ang biktima," ani Suyat. 


Nagtamo ng higit 20 na tama ng baril sa iba't-ibang bahagi ng katawan ang biktima. Lumalabas na caliber .45 at M-16 rifle ang ginamit sa pamamaril base sa mga narekober na kapsula sa crime scene. 


Ang mga salarin ay nakasakay sa motorsiklo at itim kotse. Nakaligtas sa pamamaril ang drayber nito matapos tumalon sa bangin. 


Ito pa lang ang ikalawang beses na nagpunta sa lugar ang biktima para mag-jogging. 


Patuloy ang pagtukoy ng mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng mga suspek.


Ayon kay Suyat, bukod sa pagiging negosyante ng biktima, isa pa sa mga pinag-aaralang anggulo sa pagpaslang sa kanya ay pulitika. 


Tubong bayan ng Sinait, Ilocos Sur at tumakbo sa pagka-alkalde ang biktima noong 2019 pero natalo.


https://news.abs-cbn.com/news/04/23/21/negosyante-patay-sa-pamamaril-habang-nagja-jogging-sa-ilocos-norte

No comments:

Post a Comment