Ang dating tindahan na nagsara dahil sa pandemya ang ginawang community pantry sa Paco Church, Maynila.
Matapos ang blessing nitong Martes ng umaga, nag-umpisa nang pumila ang ilang mga residente para kumuha ng pagkain.
Napuno ang community pantry dahil sa dami ng nag-donate ng bigas, itlog, de-lata, noodles, gulay at iba pang pagkain.
Kabilang sa mga nag-donate ang 63 taong gulang na kasambahay na si Elisa Refuers. Sa kabila ng payak na pamumuhay, nagawa niyang magbigay ng 30 de-lata.
Naipon niya ito dahil sa buwanang food box galing sa LGU. Mag-isa lang daw siya sa bahay at may trabaho naman ang anak na nakabukod na kaya hindi siya nagdalawang-isip na ibigay ito sa nangangailangan.
"Iisa lang naman po ako, hindi ko kayang ubusin 'yun. Kaninang umaga nakita ko sa Facebook, meron na daw dito sa Paco," aniya.
Umuwi si Refuers na may dalang isang pirasong sayote. Igigisa niya raw ito sa sardinas pag-uwi.
"Ito lang naman ang kailangan ko. Kasi may repolyo sa bahay, lagyan mo ng sardinas ulam na. Sabi ko pag meron ako ulit naipon, dadalin ko ulit dito," ani Refuers.
Malaking tulong naman ang community pantry para sa katulad ni Janet Oarde, housewife at may 5 anak. Ang kanyang mister, pa extra-extra lang sa trabaho.
Kumuha siya ng isang kilong bigas, 2 de-lata, 3 itlog, noodles at sabon. Sapat na raw ito sa kanilang pamilya.
"Hindi naman po kailangan na lahat 'yan kunin ko para sa amin. Kasi may mga tao rin pong nagugutom hindi lang kami," ani Oarde.
Ayon sa parish priest ng Paco Church na si Fr. Rolando dela Cruz, bago pa tumama ang pandemya, matagal na silang tumutulong sa mga nangangailangan, pero na-inspire sila sa inumpisahan ni Ana Patricia Non na graduate ng Paco Catholic School noong 2012 at siyang pasimuno ng Maginhawa community pantry.
Plano nila Dela Cruz na maglabas ng schedule ng pagpunta sa community pantry simula sa susunod na linggo para sa halos 900 mahihirap na pamilya sa kanilang parokya.
Sa Malolos, Bulacan, nakalikom ng sariling pondo ang mga kabataan para mag-umpisa ng bayanihan.
Sa Tabaco City, Albay, iba't ibang klase ng gulay gaya ng kalabasa, upo, kamatis at sigarilyas ang makukuha sa community pantry sa Bongabong na nasa ikalawang araw na ngayon.
Nakarating din sa Cagayan de Oro ang community pantry. Itinayo ito ni Rene Principe, isang physics instructor sa UP Diliman.
Patuloy ang pagsulpot ng community pantries kahit pa naging biktima ng red tagging ang organizers nito.
—Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News
https://news.abs-cbn.com/news/04/20/21/community-pantry-patuloy-nagsusulputan-red-tagging
No comments:
Post a Comment