Naniniwala ang Department of Justice (DOJ) nitong Martes na hindi tama ang basta-bastang pagsasagawa ng interrogation ng mga law enforcement agencies sa mga volunteers ng community pantries sa bansa.
Ang naturang pantry ay isang inisyatibo na namimigay ng libreng gulay, pagkain, at suplay sa mga taong nangangailangan nito. Bukas din ito sa mga donasyon.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, hindi dapat nagsasagawa ng interrogation maliban na lamang kung mayroong nalalabag na batas o ordinansa ang mga organizer.
"Suffice it to say that a person voluntarily doing an act of kindness and compassion toward his neighbor should be left alone," paliwanag ni Guevarra.
"It is not proper for law enforcement agents to interrogate him unless there is reason to believe that he is violating any law, ordinance, rule or regulation for the good or welfare of the community," aniya.
Martes ng madaling araw nang sinabi ni Ana Patricia Non, ang pioneer organizer ng community pantry sa Maginhawa, Quezon City, na may mga miyembro ng kapulisan na nanghihingi ng kanyang contact number at tinatanong kung ano ang organisasyon niya.
Dahilan din daw ang "red-tagging" para itigil pansamantala ang community pantry sa Maginhawa, na pinilahan ng daan-daang residente roon na naghihikahos ngayong pandemya.
Pero dahil may mga naniniwalang profiling na ang nangyayari sa pagbibigay ng mga forms sa mga organizer ng mga community pantry, naniniwala si Guevarra na walang obligasyon ang mga organizer na sagutan ang naturang forms.
“Organizers of community pantries have no legal duty nor are under any compulsion to fill out any forms, as these are not considered business, much less illegal activities. so the presence of lawyers at the sites, in my opinion, is unnecessary," dagdag ni Guevarra.
Hindi naman direktang sinagot ng kalihim ang tanong kung may paglabag sa right to privacy ng isang indibidwal sa pagpapasagot ng mga pulis sa ibinibigay nilang mga form sa mga nasa likod ng mga community pantry.
“I will not answer your question directly as I may prejudge an actual case that may come before the DOJ," sabi niya.
Una nang kumalat sa social media ang mga larawan ng umano’y profiling ng mga pulis sa mga nag-organisa ng community pantry.
Hinihingi umano nila ang mga impormasyon kung sino ang nagpasimula ng naturang inisyatibo at kung saan o kaninong organisasyon daw sila kabilang.
Binigyang-diin naman ni Interior Secretary Eduardo Año na walang iniutos ang kanyang ahensya kaugnay sa pagkuwestiyon sa mga community pantries, pero pinaalalahanan niya ang mga organizer na sundin ang minimum health protocol kontra COVID-19.
- May ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News
https://news.abs-cbn.com/news/04/20/21/doj-community-pantry-interrogation
No comments:
Post a Comment