Tuesday, April 20, 2021

COVID-19 vaccines na pinayagan ang gamit sa Pilipinas nadagdagan

Umabot sa 6 ang brand ng COVID-19 vaccines na puwedeng magamit sa Pilipinas matapos aprubahan ng Food and Drug Administration ang emergency use authorization (EUA) ng 2 pang bakuna.


Sinabi noong Martes ng Food and Drug Administration na binigyan na nito ng EUA ang bakunang Janssen ng American company na Johnson & Johnson at Covaxin ng Bharat Biotech mula India.


Bago nito, nauna nang mabigyan ng EUA ang mga bakuna ng Pfizer, AstraZeneca, Sputnik V at Sinovac. 



Pero nilinaw ni FDA Director General Eric Domingo na sa ngayo'y conditional muna ang authorization na ibinigay sa Covaxin.


"May isang papel pa po sila na kailangan i-submit sa amin bago mag-import ng bakuna," ani Domingo.


Para naman ma-roll out ang Janssen, kailangan maglabas ng guidelines ang Department of Health (DOH).


Ito'y dahil sa isinasagawang imbestigasyon ng FDA sa Amerika tungkol sa mga ulat ng umano'y clotting o pamumuo ng dugo.


"They are investigating kasi parang 1 for every million na nabakunahan, mayroon silang ini-investigate na possible clotting na adverse event. So we told the DOH na bago i-roll out ito, kailangan gumawa ng very clear guidelines," sabi ni Domingo.


Ayon sa DOH, kahit may mga naitalang mga adverse events matapos mabakunahan, karamihan sa mga ito ay non-serious.


Kabilang sa adverse events na naobserbahan sa mga nakatanggap ng Sinovac ay pagtaas ng presyon, pananakit ng ulo, pananakit ng lugar na tinurukan, pagkahilo at rashes.


Sa AstraZeneca, naobserbahan naman ang pagkakaroon ng lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng lugar na tinurukan, panginginig, at panghihina.


Headache, fever common complaints among Filipinos after COVID-19 vaccination: DOH

Nauna nang sinabi ng mga eksperto na karaniwan naman na may ganoong mararamdaman matapos mabakunahan, at madalas ay mild lang ito at nawawala rin.


Sa kabila nito, masusi pa ring binabantayan ang lahat ng ire-report na adverse event.


Sa ngayon, wala nang nakabinbin na aplikasyon para sa EUA ang iba pang bakuna.


Hindi pa nagpapasa ng aplikasyon ang Sinopharm mula China habang posibleng sa third quarter ng taon pa mag-apply ang Novavax.


Bagaman hinihintay pang mag-apply ang bakuna ng Moderna, sinabi ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na maaaring asahan ang pagdating ng Moderna vaccines sa Hunyo.


"Ikinonfirm sa akin ng Moderna na they will start delivery starting June 15. That is the target date. It would start increasing in the succeeding months... they will complete the 20 million before the end of the year," ani Romualdez.


-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/04/20/21/covid-19-vaccines-pinayagan-pilipinas-nadagdagan

No comments:

Post a Comment