Friday, April 9, 2021

PH vaccine drive di maaapektuhan ng AstraZeneca suspension: FDA

Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi makakabagal sa vaccine drive ng gobyerno ang pansamantalang suspensiyon sa pagtuturok ng AstraZeneca coronavirus disease (COVID-19) vaccines sa mga edad 59 pababa. 


Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, dulo pa ng Abril darating ang mga susunod na suplay ng AstraZeneca vaccines.


Bukod dito, puwede pang ubusin ang natitirang dose ng AstraZeneca sa mga senior citizen, na hindi naman maaapektuhan ng sinasabing side effects ng bakuna. 


"Kaya nga ito ‘yung magandang panahon na aralin 'yung reports na ito, kasi wala na tayong AstraZeneca vaccines, talagang paubos na. At 'yung atin namang pagsusuri kung ano ang magiging paghahanda natin for the next batch ay gagawin natin within next week. Senior citizens hindi kasama sa group na nakikitang affected sa blood clotting. Pinakamaganda talaga 'yung benefit-to-risk ratio. Puwedeng ubusin natin 'yung natitirang doses sa kanila," ani Domingo. 


Huwebes nang sabihin ng FDA na sususpendehin ang paggamit ng AstraZeneca vaccines para sa mga edad 59 pababa, nang lumabas sa isang pag-aaral na posibleng may koneksiyon ang bakuna sa ilang insidente ng blood clot o pamumuo ng dugo sa utak at mababang platelet sa mga nabakunahan nito. 


Aabot sa 86 ang ganitong kaso, o nasa 0.0003 porsiyento ng 25 milyong nabakunahan ng AstraZeneca sa Europa. Sa bilang, 8 ang namatay. 


Karaniwang nakikita ang sintomas ng blood clotting sa loob ng 2 linggo matapos mabakunahan. Karamihan sa mga natatamaan ng blood clotting ay mga babaeng mas bata sa 60 years old. Pero sinabi ring nauungusan pa rin ng benepisyo o proteksiyon mula sa AstraZeneca ang risk o panganib na bunga ng posibleng side effects. 


Maglalabas ng bagong panuntunan ang FDA kaugnay ng paggamit sa bakuna ng AstraZeneca sa susunod na linggo, bago ang inaasahang pagdating ng dagdag na doses nito mula sa COVAX Facility ng World Health Organization sa huling bahagi ng Abril. 


Dalawa hanggang 3 buwan ang inirerekomendang pagitan ng 2 doses ng AstraZeneca.


"'Yung mga kasong nakitaan nitong very rare na adverse event, nakita siya during the first vaccine, and there were no cases seen on second vaccines. Kung nabakunahan na sila, tapos OK at walang naging adverse event, of course they will get the second vaccine, dahil walang nakikitang problema sa second dose," ani FDA Director General Eric Domingo. 


Dagdag pa ni Dr. Rontgene Solante, na miyembro ng Philippine vaccine expert panel: "I-assure lang natin sila na pag nabakunahan ka na ng first dose and then lumampas ka na sa second week, mukhang ligtas ka na doon sa kumplikasyon na nakikita natin sa ibang bansa."


Kailangan lang aniyang suriin muna ang bakuna bago ulit ito ipagamit. 


Pero para kay Presidential Spokesperson For Entrepreneurship Joey Concepcion, maaapektuhan ng suspensiyon ang kumpiyansa ng publiko sa bakuna ng AstraZeneca. 


Higit 5 milyong doses nito ang in-order ng mga pribadong kompanya para sa mga empleyado nila at inaasahang darating ang unang batch sa Hunyo. 


"With this news, siyempre 'yung mga tao 'yung mga empleyado diyan, matatakot ulit, kailangan i-explain ulit sa kanila 'yung issue. Over 500 companies are of course very disappointed," ani Concepcion. 


Pinabulaanan naman ng FDA ang mga espekulasyon na ang pagsuspinde sa AstraZeneca ay para paboran ang bakuna ng Sinovac mula China. 


"Hindi. Independent naman 'yun. Wala naman kumpetensiya ang vaccines natin dahil wala pa naman tayong enough vaccines na sobra," ani Domingo. 


— Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News


https://news.abs-cbn.com/news/04/09/21/ph-vaccine-drive-astrazeneca-suspension-fda

No comments:

Post a Comment